Tatlong Palawan

November 24, 2018

MULA ngayon hanggang sa nakatakdang plebesito sa 2020, ang mga Palaweño ay hinihikayat natin na pag-aralan at timbangin maigi ang isinusulong na paghahati ng lalawigan ng Palawan sa tatlong probinsya: Palawan del Norte , Palawan Oriental, at Palawan del Sur.

Habang isinusulat ko ang pitak na ito, lagda na lamang ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kulang para maging ganap na batas ang panukalang aprubado na sa Malaking Kapulungan at ng Senado.

May pabor at may kontra sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya.

Bibilis ang paghahatid ng serbisyo ng lokal na pamahalaan ng lalawigan sapagkat maliit lamang ang teritoryo nito. Imbes na isa, tatlong gobernador at bise gobernador at tatlongpung bokal ang mamamahala sa buong Palawan. Bukod pa rito, matritriple din ang bilang ng mga opisyales sa health, agriculture, engineering, environment at natural resources, budget Officer,  Treasurer  at iba pa. Marami ang magkakatrabaho sa tatlong kapitolyo.

At dahil tatlong probinsya na sila, maaari ng  bumukod ang tatlong probinsya ng Palawan sa MIMAROPA region, at maging isang ganap na rehiyon. Ang mga opisina ng mga ahensiya ng pamahalaan nasyonal ay sa Palawan na itatayo at hindi na mahihirapan ang mga Palaweño sa pagpunta sa mga ahensiyang ito. Sa ngayon, kailangan pang tumawid ng dagat para makapunta sa Regional Offices sa Mindoro.

Kung matutuloy ang Federalismo, ang tatlong lalawigan ng Palawan ay maaari na rin maging isang Federal State. Magkakaroon na sila ng sariling State Governor at State Assembly. Tiyak naman kumunsulta ang mga pulitiko sa lugar para hindi mabawasan ang kanilang poder at baluwarte.

Ang nakapagtataka dito ay hindi bahagi ang Lungsod ng Puerto Princesa sa anuman sa tatlong bagong lalawigan at hindi sila kasali sa plebesito sa 2020. Mukhang kailangan ng paliwanag ito. Dapat kasali sila sa plebesito sapagkat apektado sila ng paghahati-hati ng Palawan.  Nung ipinanukala na gawing bagong lungsod ang Novaliches, hindi pumayag ang mga taga-Quezon City na sila ay hindi tanungin sa plebesito sapagkat mababawasan sila ng teritoryo at kita. Nanaig ang huling pananaw. No ang nanalo sa plebesito. Bahagi pa rin ng Quezon City ang Novaliches magpasa hanggang ngayon.

Binabatikos ng Save Palawan Movement at nila Bishop Eduardo Sarabia Juanich ng Taytay, Palawan at iba pang relihiyosong pinuno ang kawalan ng maayos na konsultasyon sa mga Palaweño. Nangangamba si Sen Rissa Hontiveros na maaaring humina imbes na lumakas ang Palawan bilang isang lalawigan na maaaring pagsamantalahan ng China na kaagaw natin sa West Philippine Sea. Ang Kalayaan Group of Islands ay magiging bahagi ng Palawan del Sur. Ito rin ang babala ni Anders Corr na nakabase sa Europe. Ang China ay magaling manligaw at kung walang pagkakaisa ang tatlong gobernador ng tatlong lalawigan ng Palawan Region, maaari silang masuhulan o pag-awayin ng China para makakuha ng pahintulot na magtayo ng base militar sa ano mang bahagi ng Palawan.

Nasa Palawan ang Tubbataha reef, isang UNESCO World Heritage Site dahil mayroon itong 600 species ng isda, 360 species ng corals, 11 species ng pating, 13 species ng dolphin, 100 species ng ibon, nestling hawk bills at green Sea turtles. Nandiyan din ang underground river, at mga naggagandahang dalampasigan ng El Nido at Coron. Manaig nawa ang interes ng mga Palaweños at hindi ang interes ng ilang mga pamilya ng pulitikong makikinabang sa paghahati ng Palawan.