Technical skills ang palakasin sa K-12

October 23, 2019

SUPORTADO natin ang sinasabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na pagrebisa sa K-12 program ng DepEd.

Binabanggit ni Speaker na nabigo ang programa sa original na layunin nito na pagkatapos ng Grade 12 graduation ng isang estudyante ay armado na ito ng sapat na kaalaman para makapagtrabaho.

Pero noong unang ipatupad ito, ang original wisdom ng K-12 ay palakasin ang educational system ng bansa at itulad sa international standard dahil tayo na lang daw ang mayroong apat na taon ang sekondarya o 10 years basic education.

Bago pa ang K-12, hanggang Grade 6 lang ang elementarya, apat na taon sa sekondarya at apat na taon sa college bachelor degree. Ibig sabihin, 14 years ang standard educational completion, hindi kasama ang nursery, kinder one at kinder 2.

Dahil sa K-12, nagkaroon ng karagdagang 2 years ang dating 14 years. Ang tanong, sapat ba ang Grade 12 diploma para ang isang bata ay maging legally employed or baka mas magandang term ay competently employed?

Kung ang pagbabatayan ko ay ang K-12 training ng mga exclusive school tulad ng Ateneo, puwede nating sabihin na “hinog” ang mga graduate nila for early employment pero siyempre depende pa rin sa trabahong papasukan.

Pero ang hindi natin naikunsidera sa K-12 program ay ang mentalidad ng mga employer na mas gusto pa rin nila ang college graduate, hindi lang ito beneficial sa kanila bagkus ay maging sa would be applicant mismo. Iba pa rin ang salary grade or taas ng suweldo ng nakapagtapos ng kolehiyo kumpara sa K-12 finisher.

Bagama’t mabigat para sa ibang parents or guardians ang karagdagang dalawang taon sa pag-aaral, mas dapat itong tingnan sa pagpapalakas ng working force ng bansa. Kung halimbawa ngang hindi na magtuloy ng kolehiyo ang K-12 graduates, mas malawak na ang kanilang kaalaman batay sa karagdagang 2 years sa kanilang pag-aaral.

Kung palalakasin man ang K-12, sa tingin natin ay doon sa aspeto ng technical skills. Nakahiwalay naman na ang mga estudyante batay sa tracks: Academic; Technical-Vocational-Livelihood; and Sports and Arts. Ang Academic track kasama ang three strands: Business, Accountancy, Management (BAM); Humanities, Education, Social Sciences (HESS); and Science, Technology, Engineering, Mathematics (STEM).

Sa ilalim ng Technical Vocational Education & Training National Certificate, pagkatapos ng Grade 10, ang estudyante ay kukuha ng certificate of competency  (COC) level one at kapag Grade 12 graduate naman ay kukuha ng COC level 2 subalit kailangang makapasa sa competency/assessment ng Tesda.

Sa ginawang curriculum ng DepEd, matutukoy na kung sino ang nakapokus sa technical skills kaya dapat sila ang tutukan nang husto para sa posibleng early employment.  

Sa aspetong ito dapat mabigyan ng suporta ng national government ang mga paaralan, pribado man o gobyerno, upang makita ang epektibong K-12 system.  

Iyong mga nasa arts, management, mathematics at sciences, tiyak na magpapatuloy sa kolehiyo dahil sa target nilang career kaya hindi masyadong problema ito ng estado.

Sa isang banda, nasa infant stage pa rin naman ang ating K-12  at umaasa tayong habang lumalaon ay mapapalakas din ito, lalo na sa bahagi ng mga gusto nang makapagtrabaho after makapagtapos ng Grade 12.
allanpunglo@gmail.com