Tensiyon sa Makati politics

ALAM naman natin ang agenda ng mga taong nagsampa ng kaso sa ICC laban kay Chinese President Xi Jin Ping.

Kahit hindi nila sabihin at kahit wala sa kanilang mga sinabi, ang tunay na motibo lang naman nila ay hiyain si Pangulong Duterte at sa bandang huli ay umasang magkakalamat ang China-Philippine friendship.

Ganyan naman talaga ang mga taong iba ang motibo. Iyon tipong hampas sa kabayo, latay sa kalabaw.

Bakit hindi nila kasuhan ang ISIS sa ICC tutal crime against humanity din lang naman ang lakad nila.

Ang totoo, umaasa talaga ang grupong KSP (kulang sa pangulo) na ito na mapansin sila ng China at masugatan ang pagkakaibigan nila Pres. Xi at Pres D.

Hindi rin talaga nakapagtataka ang kilos ng KSP kasi matagal-tagal na silang wala sa mga balita.

Sanay kasi ang mga ito na sila ang bida tulad noong panahon ng patron nilang si Noynoy Aquino. Nagagawa nilang magpabibo sa panahon ng kanilang panggulong Pangulo kasi nga propaganda lang lakad nila hindi serbisyo sa bayan.

Si Boy Kano alyas Albert del Rosario ay kulay Uncle Sam naman yan mula kurbata hanggang medyas kaya siya ang unang sumakit ang ulo nang kumiling sa China si Mayor Rody.

Hindi nga rin natin alam kung sariling kalooban ng KSP group ang pagdedemanda kay Xi o inutusan lamang sila ni Uncle Sam!

* * *

Lalong uminit ang pulitika sa Makati sa pagkamatay ng executive assistant ni former Mayor Junjun Binay dahil pag-ambush ng riding in tandem.

May mga espekulasyon na agad kung sino ang nag-utos na patayin ang staff ni Junjun na tingin natin ay hindi tama.

Kailangang huminahon ang lahat ng kampo ng mga pulitiko, sa panig man ni Junjun at kahit sa panig ng mortal niyang kalaban sa paparating na eleksiyon na si incumbent Mayor Abby Binay na kanyang kapatid.

Hayaan natin ang mga awtoridad ang mag-imbestiga at huwag magpadala sa emosyon dahil magdudulot ito ng lalo pang gulo sa premier business district ng bansa.

Sa tingin natin, dapat alamin ng mga mag-iimbestiga kung ano ang papel ng napatay sa pulitika at ano ang mga galaw sa labas ng pulitika para maisama sa anumang resulta ng imbestigasyon.

Mas gusto natin  na walang kinalaman sa pulitika ang ambush para mabawasan ang tensiyon.

Hindi tayo mag-aakusa at hindi rin tayo magbibigay ng espekulasyon dahil magiging unfair tayo sa kahit kaninong kampo.

Ang hiling na lang natin ay pumayapa ang Makati politics habang naghihintay tayo ng hustisya para sa biktima.

Kung may mga impormasyon kayo sa nangyaring ambush, puwede kayong mag-email dito sa atin para matulungan natin ang mga awtoridad sa pagresolba sa kaso.
allanpunglo@gmail.com