Tigilan ang pagpapakalat ng fake news!

January 29, 2020

LALO pang  pinag-iibayo ng Bureau of Customs ang  kampanya laban sa ismaglings huwag natin kalimutan na nahihirapan ang BoC na maabot ang taunang collection target dahil sa ismagling.

Mahirap patigilin ang pagpasok ng mga kontrabando dahil malaki ang kita dito.

Hindi lang yan.  Maraming nakikinabang sa ismagling.

Binubusog ng mga ismagler ang kanilang mga protektor sa BoC.

Ito ang mga kasabwat nila sa technical smuggling.

Ayon sa ating miron sa Aduana, mas madaling magpasok ng kontrabando sa pamamagitan ng technical smuggling kaysa outright smuggling.

Sa technical smuggling, ang kailangan mo lang ay lagyan ang mga taga-BoC para pansamantalang mabulag, mabingi at magka-amnesiya ang mga tiwaling kawani ng ahensiya.

Tama ba kami, BoC Chief Rey Leonardo Guerrero at Depcom for Intelligence Raniel Ramiro?  

***

Mahigit P20.58 bilyun ang halaga ng mga kontrabandong nakumpiska ng Bureau of Customs noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga nakumpiskang kontrabando ay mga pekeng produkto.

Ito ay ayon sa tinanggap na report ni Finance Secretary Carlos Dominguez lll, galing sa BoC.

Ang mga pekeng produkto ay nagkakahalaga ng P9.44 bilyon.

Umabot naman ng P3.59 bilyon ang halaga ng nakumpiskang iligal na droga na kinabibilangan ng shabu at marijuana.

Nasa P2.67 bilyon naman ang halaga ng mga nasakoteng sigarilyo at iba pang produktong tabako.

Ang iba pang nakumpiskang goods: agriculture products, (P398.47 milyon), general merchandise (P59.87 milyon), vehicles and accessories (P106.55 milyon), ukay-ukay (P66.86 milyon) at steel products (P78.59 milyon).

Noong nakaraang taon ay naghain din ang BoC ng kasong kriminal laban sa 345 importers at 75 customs brokers.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na nagtatagum pay ang kampanya laban sa ismagling.

Pero kailangan pa rin ng BoC ang tulong ng publiko para tuluyang mapuksa ang ismagling.

Kung hindi tutulong ang publiko sa kampanya ay mahihirapan ang gobyerno.  

Huwag bilhin ang mga kontrabando at isuplong sa mga otoridad ang mga ismagler o player.

***

Tama ang gobyerno.

Huwag tayong magpakalat ng fake news tungkol  sa nakamamatay na coronavirus.

Hindi nakakatulong ang pagpapakalat ng mga ‘di tamang balita habang patuloy ang pagkalat ng coronavirus.

Sobra na ang paghihirap ng taumbayan dulot ng hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.

Nandiyan pa ang African swine fever (ASF), patuloy na problemang idinulot ng pagputok ng Bulkang Taal, kakulangan ng tubig sa ibang lugar at pagsisikip ng trapiko sa mga urban center.  

Kung hindi tayo makakatulong sa paglutas ng problema, huwag na tayong magbigay ng problema.

Maawa naman tayo sa ating bansa.

Maraming problema ang administrasyong Duterte.

Dapat nakasentro ang ating atensiyon sa mga bagay na magpapa-angat sa kalagayan ng  mga kababayan natin, lalo na ang mga mahihirap.

Pero mukhang hindi mangyayari ito dahil maraming sumusulpot na problema.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)