Transparency, panuntunang ipinaiiral ni Maj. Gen. Eleazar

March 12, 2019

NANINIWALA ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) lalo na si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar na malaki ang naitutulong ng media at publiko sa paglutas sa isang krimen at paghuli sa mga salarin.

Ang walang takot na pagsusumbong din ng publiko laban sa mga tiwaling pulis ang isa sa mabisang paraan ng paglilinis ng PNP sa kanilang hanay kaya sunud-sunod ang pagkakasibak sa mga pulis na nasasangkot sa pangongotong at pangingikil sa mga hinuhuling umano’y mga sangkot sa iligal na droga.

Ito ang isa sa dahilan kaya nais ni Director Eleazar na maging transparent ang pulisya o bukas sa kaalaman ng publiko at miyembro ng media kung may nagaganap na krimen dahil nakatutulong pa nga ang publiko para mahuli ang sinumang may kagagawan nito.

Marami na kasing pagkakataon na naibabahagi ng publiko sa kapulisan ang impormasyon sa ikalulutas ng isang kaso lalo na kapag nalagay sa balita sa mga pahayagan o mapanood sa telebisyon

Pero bakit kaya may ilang mga opisyal ng pulisya na hindi nakakasunod o nakaka-agapay man lamang sa panuntunang ipinaiiral ni Maj. Gen. Eleazar kaugnay sa pagiging transparent?

Totoo na dapat na ipabatid ng kapulisan sa publiko ang kanilang mga accomplishment tulad ng panghuhuli sa mga wanted person at pagdakip sa mga hinihinalang sangkot sa droga o iba pang krimen pero dapat ay ipinababatid din nila sa media at publiko kapag may nangyari namang patayan sa kanilang lugar.

Sa ngayon kasi, tanging ang mga accomplishment lamang ang kadalasang ibinabahagi ng ilang distrito ng pulisya sa Kamaynilaan at itinatago sa media kapag may nagaganap na patayan, lalo na kung kagagawan ito ng riding-in-tandem.

Dito na nga lang sa Northern Police District (NPD) na pinamumunuan ni Chief Supt. Rolando Anduyan, puro mga accomplishment ng kapulisan sa apat na lungsod na nasasakupan ang ibinabahagi nila sa media pero ang mga nagaganap na patayan ay hindi man lamang maibahagi ang spot report.

Papaano ngayon makakatulong ang publiko sa pagdakip sa mga salarin kung hindi mailalagay sa balita ang krimeng nagaganap? Katunayan, halos araw-araw ay may shooting incident o insidente ng patayan ang nangyayari sa North Caloocan pero hindi naibabalita dahil lipas na ang ilang araw bago pa ilabas ng pulisya ang ulat gayung kung nakarating kaagad ito sa kaalaman ng publiko sa pamamagitan ng media ay baka makatulong pa upang madakip ang mga kriminal.

May pangyayari pa nga na isang dating bagman pala ng isang opisyal ng NPD ang napaslang din sa North Caloocan kamakailan pero ipinalalabas na kaya raw pinatay ay sangkot sa iligal na droga. Pero ayon sa mga impormasyon, nagalit pala sa kanya ang mga gambling lord dahil bukod sa nagpapalaki raw ng intelihensiya at panay ang hirit, ipinahuhuli pa ang iligal nilang operasyon.

Dapat sigurong alamin naman ngayon ni Maj. Gen. Eleazar kung may nalutas na bang krimen ang Caloocan police o ang NPD sa mga nangyaring insidente ng patayan sa Camanava area na hindi naibalita sa pahayagan dahil hindi inilabas ang spot report.

Rescue boats at relics of the cross

Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na pala ng lungsod ng Navotas ang posibleng mga sakuna na hahataw sa bansa sa panahon ng tag-ulan lalo na’t posibleng malalakas na ulan ang kahalili ng El Niño na nagsisimula na ngayong taon.

Kabilang na rito ang pagbili ng lungsod ng dalawang malalaking rescue boats na nito lamang araw ng Lunes ay ibinigay na ni Mayor John Rey Tiangco sa City Disaster Risk Reduction Management Office bilang pagpapalakas sa kakayanan ng lungsod sa pagresponde sa mga sakuna.

Kasama ni Mayor Tiangco si Vice Mayor Clint Geronimo, ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod at mga department head.

Bagama’t hindi na matindi ang nararanasang pagbaha sa lungsod dulot ng mga bombastic pumping station na sinimulan noon pang panahon ni dating Mayor at ngayon ay Congressman Toby Tiangco, kailangan pa rin ang paghahanda ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Samantala, dinadagsa pa rin ng mga deboto sa Sto. Niño de Pasion, isang quasi-parish sa Bgy. Daanghari sa naturan ding lungsod, ang banal na alaala ng krus na pinagpakuan sa Panginoong Hesukristo na malugod na tinanggap ni Mayor John Rey Tiangco nang dalhin ito sa lungsod noong nakaraang Huwebes, Marso 7.

Bukod sa relics of the cross, dinala rin sa naturang parokya ang bato na galing pa sa isang kuweba sa Bethlehem at sa Calvary Hill kung saan pinaniniwalaang ipinanganak ang Panginoong Hesukristo.

Marami ang naniniwala sa milagrong dala ng bato at alaala ng krus at isa rito si Mayor Tiangco na kasama ng mga Navoteño sa pananampalataya.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.