Travel tax para sa bayan

September 04, 2019

DAPAT makinabang ang ating bansa sa pagbaba ng tourists arrival ng Hong Kong. Sa ngayon, hindi pa stable ang sitwasyon sa HK special administrative region dahil sa agresibong protesta ng mga mamamayan doon laban sa Beijing policy.

Taun-taon, hindi bumababa sa 15 hanggang 26 million ang turistang pumapasok sa HK. Maraming mga turista ang naghahanap ng pupuntahan dahil sa sitwasyon sa HK kaya dapat mas maging agresibo ang DOT sa kampanyang mapalakas pa ang turismo.

Kailangan din mabigyan ng papel ang Tourism Infrastructure and Enterprize Zone Authority o Tieza sa kampanyang ito para makahikayat ng mas maraming turista. Hindi dapat tayo makuntento sa 5 to 7 million annual tourists arrival bagama’t tumaas na ito kumpara sa dating 3 to 4 million sa mga nakaraang taon.

Malaki ang poder ng Tieza para makahikayat ng turista local man o dayuhan dahil sila ang namamahala sa mga infra at iba pang proyektong pang-turismo.

Ang Tieza ang nangangasiwa ng pagsasaayos ng  kalsada at drainage system sa Boracay na mahabang panahong napabayaan. Personal nating nakita ang agresibong proyektong ito ng Tieza sa isla na dapat masabayan pa sa iba pang proyekto sa mga tourist destinations.

Nagagawa ito ng Tieza sa tulong ng mga binabayaran nating travel tax kaya importanteng maging episyente ang koleksiyon.

Ang economy passengers ay nagbabayad ng P1,620 samantalang ang first class passenger ay P2,700 na travel tax. Iyong mga OFWs ay exempted sa pagbabayad ng travel tax na sa tingin natin ay tama naman.

Pero sa mga nagsusulong na alisin na ang travel tax, hindi ito maganda para sa ating turismo. Simple lang naman ang logic para dapat tutulan ang ganitong plano.

Ano ba naman ang travel tax sa isang pasahero na kayang bumili ng plane ticket na worth P20,000-P50,000 economy class hanggang P197,000 first/business class sa mga long haul o mahabang biyahe gaya ng US o Europe?

Para rin yang sin taxes, kung kayang bumili ng beer at yosi sa halagang P100, bakit hindi kayang magbayad ng buwis na 22%?

Sa isang banda, ang travel tax naman na nakukulekta ay pinakikinabangan ng bayan tulad ng nangyayari ngayon sa Boracay. Natural lamang na hindi isama ang OFWs sa pagbabayarin ng travel tax dahil trabaho naman ang lakad nila sa tuwing dumadaan sa airports.

At marami na silang naitutulong sa bansa sa pamamagitan ng dollar remittances kaya tama lang na exempted na sila sa travel tax. Pero ang mga naglalakbay for pleasure and tourism, dapat lamang makinabang din sa kanila ang gobyerno.

Ang importante, bumabalik ang buwis sa pamamagitan ng Tieza. By the way, hindi lang Tieza ang nakikinabang sa travel tax. Sa ilalim ng Republic Act 9593 o Tourism Act of 2009, ang 50% ng travel tax collection ay napupunta sa Tieza, 40% sa Commission on Higher Education para sa tourism-related education program at ang 10% naman ay nakalaan sa National Commission for the Cultures and the Arts.

Ibig sabihin, sa tuwing bumibiyahe, natutulungan natin ang mga ahensiyang ito kaya hindi na rin tayo dapat manghinayang.

O, ano pa ang ginagawa nyo dyan? Tara na, biyahe tayo!
allanpunglo@gmail.com