The truth shall set you free!

NASISIGURO nating kahit buong Liberal Party ay naniniwala sa ganitong uri ng kasabihan.

Bakit hindi eh mismong ang yumaong Senador Ninoy Aquino, Jr., ang may tangan ng katagang ganito bago pa siya mapaslang noong August 21, 1983 na naging daan upang yumabong ang sinasabing kampon ng kadilawan.

Kahapon, biglang lumutang si Peter Joemel Advincula, ang lalaking naka-hood at nagpakilalang Bikoy sa limang serye ng ‘Ang Totoong Narcolist’ videos na kumalat sa social media. Pinaratangan sa nasabing video ang pamilya Duterte na umano’y sangkot sa international drug syndicate.

Unang binasag ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kredibilidad ni Bikoy nang sabihing bago pa lumabas ang anti-Duterte videos ni Bikoy, lumapit na rin ito sa kanya noong taong 2016 kung saan ay sinasangkot naman sa sindikato ng droga si dating Pangulong Noynoy Aquino – anak ni Senador Ninoy!

Bunsod nito, kahit sino ang tanungin ngayon, wala nang kredibilidad pa si Bikoy dahil ang tingin sa kanya, isa siyang nilalang na punung-puno ng kasinungalingan.

Sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson, bago naging respetadong senador at batikang opisyal ng Philippine National Police (PNP), sinabi nitong ipinauubaya na niya sa mga awtoridad kung paano timbangin ang panibagong testimonya ni Bikoy kahapon.

Ang panibagong testimonya kasi ni Bikoy kahapon ay scripted lamang daw ang kontrobersyal na videos at gawa-gawa lamang ng grupong dilawan sa pangunguna ni Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes.

“Bikoy has to show more than just a narration of what he says now as the real facts. He suffers from a serious credibility problem that he must overcome if he wants to be believed this time,” ani Lacson.

Totoong sira na ang kredibilidad ni Bikoy. Mula sa mabigat na akusasyon laban sa pamilya Duterte hanggang sa pagkakabunyag ni Tito Sen kung ano ang inilalako ni Bikoy noon pa, kahapon ay bigla itong kumambiyo at tinuro naman ang hanay ng oposisyon na umano’y nagmando sa kanya para gawin ‘Ang Totoong Narcolist videos.’

Sinabi ni Bikoy na tumakas siya mula sa pangangalaga sa kanya ni Trillanes dahil matapos matalo ang lahat ng kandidato ng Otso Diretso noong nakalipas na halalan, unti-unti na rin siyang hindi pinapansin nito.

Mabilis ang pagtanggi ni Trillanes sa bintang ni Bikoy. “This could be another ploy of the administrations to harass the opposition. For now, I will be consulting with my lawyers so that we could also file the appropriate charges against him,” sabi pa sa statement ni Trillanes kahapon.

Una pa lang, isa tayo sa naniniwala na ang paglantad sa media ni Bikoy ang magandang daan upang malinawan ang lahat – ito’y malaman kung sinu-sino ang mga taong nasa likod ‘Ang Totoong Narcolist videos.’

Gawa ito ng mga taong professional sa isang produksiyon. Ang itinuro ni Bikoy kahapon – maliban kay Trillanes at Otso Diretso candidates – ay sina Vice-President Leni Robredo, Senador Risa Hontiveros, mga security staff ni Trillanes, staff ni Senador Leila de Lima at mga pribadong personalidad na sina Vicente Romano, Bong Enriquez, Dan Sonco at Yolly Ong.

Si Yolly Ong ay mula sa Campaigns and Greys advertising company na sila ring naglabas ng ‘hate campaign political ads’ kay Senador Lacson noong 2001 midterm elections. Kilala siya sa buong ‘yellow community.’

Kumpleto sa pangalan ang mga isinasangkot ni Bikoy kahapon. Kabilang  sa ibinunyag nito ay ang umano’y chief security ni Trillanes na si Jonel o Jerome; isang Atty. Fil ng office ni De Lima, gayundin ang nagtatagong police colonel na si Jojo Acierto.

Si Acierto ang opisyal ng PDEA na sinasabing sangkot sa natagpuang magnetic lifter na naglalaman ng tone-toneladang shabu sa Cavite at lumantad sa media kamakailan kung saan inaakusahan naman ang kaibigan ni Digong na si Michael Yang na sangkot din umano sa sindikato ng droga.

Ang testimonya ni Bikoy sa kontrobersiyal na videos at testimonya ni Acierto ay bahagi umano ng plano ni Trillanes, sabi pa ni Advincula.

Sinabi nito na sa Unit 713-A Groove residences sa Makati City siya itinago ng grupo ni Trillanes.

Pagmamay-ari umano ito ni Lita Salvador na ang asawa, bukod sa dummy ni Trillanes, ay supporter ng Otso Diretso, base pa rin sa akusasyon ni Bikoy.

Ang codename naman aniya ni Trillanes ay si Stella.

Project Sodoma raw ang tawag sa kanilang planong pagpapabagsak sa Duterte administration na plinano siyam na buwan na ang nakararaan at sakaling magtagumpay, ang magiging pangulo ng bansa ay si Robredo at magiging bise-presidente naman ay si Trillanes.

Kahapon ay humingi rin ng paumanhin si Bikoy sa pamilya Duterte gayundin sa sambayanang Filipino. Lalo na sa bunsong anak ni Digong na si Kitty Duterte. Nilinis din nito ang pangalan ni senator-elect Bong Go dahil totoong wala itong tattoo.

Alam niyang mahirap na siyang paniwalaan ng taumbayan ngayon pero nakahanda umano siyang iharap ang mga hawak niyang ebidensiya ngayon sa mga awtoridad.

Ilan sa sinasabi niyang hawak na ebidensiya ay ang kanyang komunikasyon sa grupo ni Trillanes na sa mga oras na ito ay pino-forensic na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Kahit ang CCTV sa condo unit ay nasisiguro kong sinusuri na rin ngayon ng mga awtoridad.

Anuman ang kahantungan nito, pasasaan ba’t lilitaw din ang tunay na katotohanan sa mga darating na araw.

Sa kabilang dako, gusto nating saluduhan sina PNP chief Gen. Oscar Albayalde, NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, CIDG chief Maj. Gen. Amador Corpuz, Northern Police District (NPD) director Brig. Gen. Rolly Anduyan, Col. Benjie Silo, Major Romy Favia at kamag-anak ni Bikoy na si SPO4 Amy Montales.

Nakasusuya kasing tingnan na  ilan nating kasamahan sa media ay sa halip na ang pag-usapan ang testimonya ni Bikoy, pilit ini-spin pabaligtad ang PNP dahil bakit daw hinayaan itong magsalita sa media.