"Tukso" ang Edsa bus lane

MAPANUKSO at kaakit-akit talaga ang Edsa bus lane.

Iyong nasa gitna ka ng trapik na usad pagong, tapos may makikita ka sa kaliwa mo na bakante, maluwag at deretsong linya na nakabukod sa karamihan. Kapag mahina ka sa tukso, talagang papasukin mo para mapabilis ang biyahe mo!

Oooppppssss, teka muna, bago mo gawin iyon, mag-isip ka muna, ikaw ba ay emergency vehicles tulad ng ambulansiya? Ang minamaneho mo ba ay marked vehicles ng gobyerno?  Police mobile ka ba? Military truck ba ang dala mo? Responding frontliners ba ang iyong mga sakay? Firetruck ka ba?  Public bus ka ba?Kung hindi naman at ikaw ay isang pribadong sasakyan or motor na maangas, puwes, huwag kang pasaway! Hindi para sa iyo ang linya na ito na inilagay ng DOTR at MMDA!

Nagtataka ako kung bakit araw-araw ay maraming pribadong sasakyan ang nahuhuling gumagamit ng separated bus lanes gayong klaro namang hindi para sa kanila ito.

And by the way, may IATF media ID at Rapid Pass ako pero katulad ng karamihan, bawal din akong dumaan sa linyang iyon. Malinaw sa akin na hindi ako puwedeng dumaan doon kahit anong trapik pa ang aking dinaranas sa Edsa.

Simple lang naman ang logic, bilang private vehicle, nakikinabang din ako sa designated bus lanes na ito dahil nawala sa aking linya ang mga bus at mga authorized vehicles.

Sa isang banda, kapansin-pansin na moving traffic naman ang Edsa magmula nang magkaroon ng bagong bus lanes. Totoong nagsisikip pa rin pero wala naman tayong magagawa dahil sa tindi talaga ng volume ng mga sasakyang gumagamit ng Edsa.

Kung matutunan lang nating maging disiplinado sa Edsa, nakikita natin ang magandang future sa dating highway 54 na ito. Kaya nga iyong mga bumabatikos dyan sa DOTR at MMDA, dapat siguro ay pasalamatan natin sila sa "A for effort" na isaayos ang Edsa.

Hindi madali ang mag-isip at magpatupad ng programa sa Edsa na cancer na talaga ng Metro Manila. Wala namang instant solution sa ganito kalaking problema subalit may natatanaw tayong pag-asa dahil sa mga taong walang pagod sa paghulma ng mga solusyon.

Kaya nga iyong mga pasaway na tsuper ng mga pribadong sasakyan at mga astig na motor, dapat ay matuto rin silang disiplinahin ang kanilang mga sarili. Lahat tayo ay makikinabang sa ginagawang ito sa Edsa kung makisama lamang tayo sa mga napapatupad ng sistemang ito.
allapunglo@gmail.com