Tulong ng FICWSI, RC of Makati at PNPA Class ’94 sa bahay-ampunan

DALAWAMPU’T pitong bata mula sa Children’s Joy Foundation Inc. (CJFI), isang bahay-ampunan sa Calamba, Laguna, ang tumanggap ng bagong gawang desktops, laptops at high speed internet mula sa Rotary Club of Makati Nielsen, Filipino Indian Commerce and Welfare Society Inc. (FICWSI) at Sandigan Class of 1994 ng Philippine National Police Academy (PNPA).

Sa turn over ceremony, pormal na tinanggap ni Ms. Rizel Espinosa, CJFI Center Head, ang kumpletong ‘online school donation package’ na malaking tulong aniya para sa pag-aaral ng mga batang nanunuluyan sa kanilang bahay-ampunan.

Ayon kay FICWSI President Manjinder ‘James’ Kumar, napili nilang pagkalooban ng tulong ang CGFI orphanage upang iparamdam sa mga bata na palaging may natitirang pag-asa para sa kanilang kinabukasan.

Ani Kumar, ampon o abandonado man ang mga batang ito, higit silang nangangailangan ng pagkalinga at tamang gabay sa edukasyon lalo’t patuloy ang pandemikong problema sa COVID-19.

Katuwang ang Rotary Club of Makati Nielsen sa ilalim ng pamumuno ni District 3830 Governor Chacha Camacho; ang Independent Homeschoolers PH Group (IHPG), gayundin ang PNPA Class of 1994 kung saan ‘adopted member’ si Kumar, naisakatuparan ang pamamahagi ng kumpletong pakete ng donasyon.

Matagal na ang ginagawang tulong ng FICWSI sa ating mga kababayan. Simula nang manalanta ang bagyong Yolanda taong 2013; sumabog ang Bulkang Taal nitong Enero at manalanta ang COVID-19; hindi na nagdamot ng tulong ang grupo ni Kumar tangan ang slogan ng kanilang grupo na  ‘filindihelpline together for a cause outreach program.

Bukod sa mga medical supplies, PPE, face masks, relief goods at iba pang uri ng ayuda na ipinamamahagi sa iba’t ibang sulok ng bansa, ito ang kauna-unahang tulong na ibinigay ng kanilang grupo para naman tugunan ang tinatawag na ‘new normal’ sa sistema ng edukasyon.

“Our intent is not only about giving gadgets because then recipients will still be burdened with other requirements. In our little capacity, the helpline for online schooling will provide complete necessities for the students to receive quality education for one school year,” anang pilantropong si Kumar.

Ang tulong sa CJFI ay tinawag nilang ‘helpline for online schooling,” na may kabuuang tulong para sa school year ng 2020-2021. Ang donation package ay binubuo ng ‘upgrades,’ ‘updates,’ at ‘function conditioning’ sa lahat ng ‘existing computers’ ng CJFI.

Karagdagang  bagong laptops na magagamit ng mga bata ngayong pasukan sa buwan ng Agosto, pagbibigay ng  ‘computer service provider’ na tutugon sa ‘technical services,’ ‘computer maintenance,’ at instilasyon ng ‘high speed fiber internet’ upang masiguro na magiging malakas ang signal sa loob ng isang buong taon.

Naka-enroll sa iba’t ibang private schools ang mga bata sa CJFI na may iba’t ibang ‘grade levels din, ngunit lahat sila ay nairehistro sa Quipper, isang ‘computer application’ na tutulong para sa ‘homeschooling tutorials’ at ‘year-level mastery.’

Dahil ang lahat ng estudyante at ‘caregivers’ ay sasabak sa online school sa kauna-unahang pagkakataon, nag-volunteer ang IHPG na bisitahin sila lagi sa CJFI upang maasistehan at magabayan hanggang magamay nila ang tinatawag na ‘digital schooling domain.’ 

“We volunteered not just our help to set-up, but also our experience, expertise, and guidance to make it easier for the students to navigate online learning throughout the year,” ani Anna Tanquintic, pinuno at founder ng  IHPG.

Ayon kay Police Col. Nestor Salcedo, president ng PNPA Sandigan Class of 1994, tunay na makabuluhan at makatotohanan ang sinabi ng pambansang bayani na si Gat Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Kaya’t ang bilin nito sa mga bata ng CJFI, mag-aral lamang silang mabuti at nakahanda silang tulungan kahit kalian.

Bilang pagpapasalamat, nagbigay ng ‘song and dance presentation’ ang 27 bata sa CJFI na lalong nagpaantig sa damdamin ng mga dumalo sa naturang okasyon.

Kagyat din nangako ng tulong si Police Col. Chito G. Bersaluna, PNP Highway Patrol Group Chief of Staff, para naman ipagawa ang silid-tulugan ng mga bata sa nasabing bahay ampunan.

Sina Mr. Sandeep  Kumar Talwar at Mr. Rajiv Srivastava, FICWSI Board of Directors, ay nag-abot din ng cash na P35,000 bilang dagdag tulong sa bahay ampunan.

Lubos ang pasasalamat ni Espinosa sa tulong na ipinaabot sa kanilang ‘center.’ Aniya, hindi lamang edukasyon ang ibinahagi ng grupo ni Kumar, kundi nagbigay pag-asa rin sila sa mga kabataan.

“For the children, more than education, you gave them hope,” ani Espinosa.

Anumang impormasyon sa ‘filindihelpline’ ng FICWSI ay maaaring puntahan sa www.facebook.com/FICWSI/.