Tulong sa solo parents

September 02, 2019

RAMDAM ng marami ang kahirapan sa pagpapalaki ng mga anak sa gitna ng tumataas na gastusin lalo na ng mga solo parent.

Kaya naman sa ating tingin ay napapanahon ang panukala ni Senador Bong Revilla na nagsusulong ng karagdagang benepisyo at pribelihiyo sa mga solo parent sa bansa partikular ang diskwento sa gatas, supplements, diapers, mga gamot, bakuna, damit, school supplies at iba pang pangangailangan.

Alinsunod sa Senate Bill No. 951, nais ni Revilla na amyendahan ang Republic Act. No. 8972 o Solo Parents Welfare Act of 2000.

Sinabi ni Revilla na sa pamamagitan ng pag-amyenda sa batas mahigit 15 milyong solo parents, ang 95 percent na babae ang makikinabang at tiyak na mapapagaan ang kanilang pasanin lalo na ang mga mayroong sanggol.

Batay sa panukala, bibigyan ang mga solo parent ng 20 percent discount sa lahat ng bibilhin nitong gatas, pagkain, food supplements, vitamins at sanitary diapers, clothing materials, basic necessities at school supplies.

Bibigyan din sila ng 20 % discount sa lahat ng gamot at iba pang medical supplements, supplies, accessories at equipment, bakuna, consultation at laboratory diagnostic fees.

Isinusulong din sa panukala ang pagbibigay ng 20 % discount sa mga solo parent sa tuition fees ng kanilang mga anak mula kindergarten hanggang college level sa private at public colleges at universities at schools, bukod pa sa anumang scholarship grants.

Nakasaad din sa panukala na dapat mabigyan ng non-cumulative “parental leave” na hindi hihigit sa pitong araw na may bayad ang sinumang solo parent employee na nakapagserbisyo na ng isang taon at anim na buwan.

Sa ganang akin, hindi kailanman ginusto ng isang magulang lalo na ang mga ina na mapalaki nang mag-isa ang kanilang mga anak.

Mahirap magbigay ng gabay sa mga bata ng nag-iisa at mas lalong mahirap pasanin nang mag-isa ang gastusin sa kanilang mga pangangailangan.

Ang pagbibigay ng diskwento at pribilehiyo sa mga solo parent ay isang magandang konsiderasyon bilang pagkilala na rin sa kanilang kabayanihan.