Tuloy ang pista at kasayahan sa BoC

October 09, 2019

HANGGANG ngayon ay nagpipista pa ang mga tiwali at buwayang importer sa ibat-ibang pantalan sa bansa.

Kasama rin sa kasayahan ang mga kakosa nilang mga taga-Bureau of Customs (BoC).

Ika nga, may “doctorate” na sa technical smuggling ang mga buwitre.

Hindi natin maintindihan kung bakit hinahayaang makalusot ang mga underweight at undervalued na kargamento.

At bakit hindi pinaglalagak ng cash bond ang mga importer na merong kargamentong pinalabas “under protest?”  

Pangulong Rody Duterte, huwag na kayong magtaka kung hindi maabot ng BoC ang kanilang 2019 collection target.

Tuloy pa rin ang palusutan ng kargamento sa ibat-ibang puwerto sa bansa, lalo na diyan sa Port of Cebu, Port of Davao at
Manila International Container Port.

Ipa-review na lang ninyo ang mga binanggit nating questionable na import entries.

Makikita ninyo, Pangulong Duterte at BoC Chief Rey Leonardo Guerrero kung bakit hindi maaabot ng BoC ang collection target.

Sa tingin natin ay hindi isolated cases ang mga palusutan ng shipment.

Ang masakit dito, alam naman nilang galit si PRRD sa graft and corruption.

Sana may masampolan sa mga taga-BoC na nakikipag sayaw sa mga ismagler.

Kung hindi, baka umalis ng luhaan sa Malakanyang  si Pangulong Duterte pagdating ng 2022.

Alam natin na hindi kukunsintihin ni Sir Jagger ang mga katarantaduhan sa Aduana.

Ang problema lang ay hindi niya kayang bantayan 24/7 ang kanyang mga tauhan.

Isa pa, baka naman siya na lang ang hindi nakaaalam na talamak ngayon ang palusutan sa mga puwerto dahil binubulag siya ng mga nakapalagid sa kanya.

Sagad sa buto ang kasamaan ng ilang lingkod-bayan diyan sa Aduana.

***

Sa galit ng mga magsasaka ngayon ay siguradong may kalalagyan ang mga kandidatong “nagpapahirap” sa kanila, lalo na ang mga nagtatanim ng palay.

Maraming magsasaka ang nalugi at ngayon ay baon sa utang.

Bumagsak ang ani nila dahil sa pabago-bagong panahon at mga pesteng insekto.

Masyadong mababa pa ang presyo ng palay.

At maraming magsasaka ang ayaw ng magtanim ng palay dahil mas madali nga namang mag-import ng bigas.

Naintindihan natin ang mga sitwasyon ng mga kawawang magsasaka.

Walang pag-asang tumaas muli ang presyo ng palay dahil nandiyan ang rice tariffication law.

Malaki ang production cost. Sobrang mahal ang binhi, abono, pestesidio at iba pang gamit ng magsasaka.

Marami nga ang natatakot at baka wala ng pag-asa ang rice self-sufficiency program ng gobyerno.

***

Dapat may mga maparusahang mayor at punong barangay na bigong tanggalin ang mga road obstruction.

Kung walang mapaparusahan ay pagtatawanan lamang ng mga mayor ang mga susunod pang direktiba ng Malacañang.

At sa mga miyembro ng validation teams ng DILG, kailangang totoo ang i-report.

Mabubuko kayo kung nagsisinungaling kayo.

Kahit bata ay marunong ng mag-post ng larawan sa social media.

Lagot kayo kapag “nabulag” kayo ng mga alkalde.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag at mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)