Tuloy-tuloy ang lusot ng iligal na droga sa BoC?

November 03, 2019

NANINIWALA tayo na hindi papayag ang Malakanyang at Kongreso na basta na lang masabotahe ang tax collection campaign ng gobyerno.

Kung sa mga malalalim na bulsa ng mga ganid na taga-BoC papasok  ang buwis na dapat mapunta sa kaban ng gobyerno ay apektado ang mga proyekto at programa ng administrasyon.

Kaya tama lang ang panukalang imbestigahan ng Kamara de Representante ang mga nangyayaring malawakang palusutan ng kargamento sa Aduana.

Kaya nga maganda dahil  “in aid of legislation” ang mga congressional  inquiry dahil malaki ang maitutulong nito para makilala ang mga buwitre sa pantalan.

Lalo na ang mga malalaking player o ismagler at ang kanilang mga protektor sa gobyerno.

Pagkatapos ng imbestigasyon ay puwedeng magrekomenda ang Kamara o Senado na kasuhan ang mga mandaraya at magnanakaw sa Aduana.

Sigurado tayong lalabas ang mga totoong nangyayari sa pantalan.

Kailangang matigil na ang mga kawalanghiyaan, palusutan at palakasan diyan sa Aduana.

Hindi lang gobyerno ang kawawa dito.

Pati ang mga maliliit na importer at broker ay nahìhirapan din dahil hindi sila nakatimbre sa mga buwayang taga-BoC.

Ayon nga sa ating miron, marami daw ang naka-hold at alerted na shipment noong nakaraang linggo.

Eto ang paborito ng nga ahente ng Intelligence Group ni Depcom Ramiro at CIIS na nasa ilalim naman ni Director Tacio.

Ginagawa daw nila ito upang mapagtakpan ang malawakang palusutan sa iba-t ibang pantalan ng bansa, ayon pa sa ating miron.

Kumikita daw sila ng malaki dahil mga nakatimbreng negosyante ay mababa ang binabayarang buwis at taripa

Karamihan sa kanilang mga  kargamento ay underweight, undervalued o misdeclared.

Mistulang mga bulag, pipi at bingi ang mga taong dapat protektor ng kapakanan ng gobyerno at taumbayan.

Hindi natin alam kung napapaikutan lang ng kanyang mga opisyal si Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Kaya maraming humihiling na dapat ituloy na ang House inquiry para malaman na natin kung sinu-sino ang mga kampon ni Satanas sa Aduana.

Suportado ito ng naraming importer at broker na labis ng kinakawawa ng mga opisyal ng BoC.

Panahon na para kumilos at labanan ang mga ginagawang katarantaduhan ng mga tauhan ng IG, CIIS, ESS, IAS, district collector ng ibat-ibang pantalan.

Huwag natin kalimutan na meron na lang mahigit dalawang taon ang pamamalagi sa Malakanyang ni PRRD.

Dapat ng matigil ang mga kalokohan sa Aduana. Lumalabas kasi na mas malala pa daw ngayon kaysa panahon ni Nic Faeldon at Sid Lapeña.

Dagdag pa ng ating miron, at dahil sa wala na rin daw control sa mga nasa “green lane” na kargamento ng mga broker na sina John P. T. , Alex R. , David T. Gerry T. Eric Y. at hari ng mga ismagler na si Michael Y. , hindi malayo na tuloy-tuloy rin ang pasok ng nga iligal na droga.  

Kawawang Pilipinas, pinagpapasasaan ng iilang makapangyarihan sa BoC.

***

Binabati natin ang mga bagong graduate ng Customs Training Institute (CTI).

Ang apat na buwang basic course ay pinamamahalaan ng BoC-Interim Training and Development Division (ITDD).  

Ang mga miyembro ng AGILA Class 2019, ay magsisilbing customs police.

Ang ibig sabihin ng AGILA ay “alagad ng gobyerno na iaalay ang lahat para sa Aduana.”

Sinabi ni Commissioner Guerrero na ang kurso ay parte ng programa “to increase the manpower efficiency by getting the right people.”

Maliban sa pagdalo sa mga seminar, sumalang din ang mga bagong pulis on actual gun markmanship training, close quarter battle at agent survival training.

Ang mga class topnotcher ay sina Lady Claire O. Adorico, Archer P. Peniza, Abdurahman  Ampaso, Jielene Kely Espera at Amil Rafsanjanni Basman.

Congrats sa inyo!

***

Kamakailan ay inilunsad ng Bureau of Customs ang tracking system para sa mga parcel at balikbayan box.

Ang system ay naglalayong ma-check ng mga Filipino ang status ng  mga parcel at box na ipinadala ng kanilang mga kamag-anak sa labas ng bansa.

Ang “parcel and balikbayan box tracking system” o PBTS ay puwedeng i-access sa pamamagitan ng BoC website

Ang paglunsad ng PBTS ay naglalayon ding umiwas ang isang claimant sa mga scam.

Ang mga scammer ay humihingi ng pera sa claimant para pambayad daw sa tax ng parcel o box na ipinadala sa claimant.

Malaking tulong ang PBTS, lalo na sa ating mga OFW.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pabgalan at tirahan.)