Tumulong sa paglikha ng bagong kabataan

MAGANDA ang panukala ni incoming Senator Bato na magkaroon ng mandatory military service ang kahit sinong Pilipino na mag-eedad ng 18.

Kaysa nga naman kalokohan ang unang natututunan, mas mabuti nang maging bahagi ng military force ang isang kababayan natin para makatulong sa bansa.

Hindi lang giyera at depensa sa bansa ang iniisip nating laman ng panukala ni Bato.

Gusto natin higit pa sa armas, matuto ang 18-anyos ng community service at disaster response.
Napakaganda ng pakiramdam na makita ang mga kabataan natin na naglilinis ng ating komunidad at nagtatanim ng mga puno kaysa nagpapagandahan ng hugis ng usok ng kanilang mga vape.

Matagal ko nang  isinusulong ang mandatory Boy Scout sa elementarya at high school plus ROTC or CMT sa college.

Nakita natin ang importansiya ng pagiging Scout dahil dinaanan natin ang lahat ng level nito. Itinuro sa amin sa Scouting ang pagiging mabuting bata.

Mula sa pagiging mabuting kasama, mabuting anak at produktibong mamamayan, hinulma kami sa Boy Scout para maging makabayan.

Maaring ang iba sa atin ay cheap lang at baduy ang tingin sa pagiging Boy Scout. Ang hindi nyo nalalaman, ang Scout ang unang tahanan ng mga mabubuting kabataan natin.

Ikinararangal nating maging isang miyembro ng Boy Scout of the Philippines. Sumailalim din tayo sa CMT o Citizen Military Training sa college sa Lyceum Manila.
Kung talagang ilalagay na sa batas ang military training tulad ng gustong mangyari ni Bato, mas magiging malinaw ang kinabukasan ng mga kabataan.

Higit pa sa physical training, ihuhulma  ng dalawang taong military training ang pagkatao ng mga kabataan na kalaunan ay makakatulong sa national building.
Tumigil na sana ang mga human rights at mga protesta sa panukulang ito ni Senador Bato para naman ito sa ating bansa.

Minsan pa, magkaisa tayong isaayos ang ating bayan sa pamamagitan ng paglikha ng mga bagong kabataan.
allanpunglo@gmail.com