Turismo sa bukid masasandalan

September 26, 2019

BUKOD sa bagong batas na Rice Tariffication Law (RTL), mayroon pang naunang batas na napirmahan noong Agosto 2016 para ayudahan at iangat ang kabuhayan ng mga magsasaka pati ang turismo sa bansa.

Ito ay ang Farm Tourism Development Law (FTDL) of 2016 o Republic Act 10816 kung saan ang mga magsasakang Pilipino ang pangunahing benepisyaryo. Layunin ng batas na mabigyan sila ng alternatibong kabuhayan.

“Ipinagmamalaki ko na marami na ang naitulong sa turismo at sa magsasaka simula ng ito ay naging batas at bago pa dumating ang RTL,” sabi ni Sen. Cynthia Villar sa kanyang talumpati sa Farm Tourism Summit ng Department of Tourism sa Makati kamakailan. Si Villar ang may akda ng RTL at FTDL.

Pinakikinabangan ngayon ng mga magsasaka ang batas sa turismo. Para sa mga  gustong patakbuhin ang kanilang bukid bilang isang negosyo, susuportahan sila ng Department of Trade and Industry at ng Department of Agriculture, upang palaguin  ang kanilang negosyo.

Hinihikayat rin ni Villar ang mga farm owner na gawing farm schools o learning sites o training centers ang kanilang sakahan dahil bawat isa sa kanila ay susuportahan ng gobyerno. Ang Technical Education Skills and Development Authority ang tutulong sa pagtatayo ng farm schools sa ibat ibang panig ng bansa.

“Kaya itutuloy natin ang pagpaparami ng mga farm tourism camps at schools. Sisiguruhin natin na pati sa mga malalayong areas ay meron din, hindi lang sa mga tourist destinations na sikat na. Kailangan lahat ng mga lugar sa ating bansa ay mabenepisyohan,” ani Villar.

Bukod pa rito, may farm tourism strategic plan na magsasaayos ng komprehensibong programa, proyekto at aktibidad upang paunlarin ang farm tourism sa bansa.

Tama si Villar na hindi sapat na itaas ang produksiyon sa bukid. Kailangan din isulong ang turismo sa bukid upang makaahon sa kahirapan ang ating mga magsasaka.

**

Hindi dapat nagbabangayan si Agriculture Secretary William Dar at ang pinalitan niya na si Emmanuel Piñol sa isyu ng mga namamatay na baboy.

Ang sisihan ay walang magagawang mabuti sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas na kasalukuyang nakararanas ng maraming pagsubok.

Ang kailangan ay ang pagtutulungan at pinakamataas na antas ng pamamahala kung saan solusyon ang inaasikaso at hindi batuhan ng putik.

Kailangan ng mga Pilipino ang mga matatatag na lider na handang umaksiyon sa halip na mag-ingay sa gitna ng matinding paghamon.  

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com.