Tutulan ang service charge sa ATM

DAPAT tutulan ang plano ng mga bangko na itaas ang singil sa bawat transaksiyon ng Automated Teller Machine (ATM).

Direktang tatamaan nito ang mga manggagawa at empleyado na ipinadadaan ang sweldo sa ATM.

Kakarampot na nga ang kita ng mga kababayan nating obrero, kakaltasan pa sila sa tuwing kukuha ng suweldo sa ATM.

Kinsenas-katapusan o dalawang beses sa isang buwan kung mag-withdraw ang mga mangggawa sa ATM machine at sakaling matupad ang planong pagkarga ng service charge sa bawat transaksiyon, iindahin ito ninuman.

Base sa plano ng mga bangko, nais nilang itaas ng P30 ang singil sa bawat ‘interbank withdrawal’ mula sa dating P10 hanggang  P15. Nanatili naman sa P2 ang singil  sa bawat ‘interbank inquiry.’

Para sa mayayaman, barya kung ituring nila ang P30. Pero sa mga mahihirap na katulad namin, malaking halaga na ito na ang katumbas ay presyo ng pinakaordinaryong kilo ng bigas.

At habang nilulumpo ang bulsa ng ating kababayan sa planong ‘service charge’ sa bawat ‘ATM transaction,’ lalo namang kikita nang malaki ang mga multi-national company na may-ari ng bangko.

Sa kasalukuyan ay  mahigit sa 58 million ang ‘ATM card holders’ sa bansa kaya kahit gumamit tayo ng ‘scientific calculator’ tiyak na lagpas-lagpas ang makukuwenta nating tubo ng mga ganid na namumuhunan.

Sa 58 million na ATM cardholders, 4.1 million na manggagawang Pinoy ang sumasahod sa pamamagitan ng ATM machines.

Ang planong pagtataas sa singil sa interbank withdrawal ay umugong kamakailan matapos alisin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang moratorium sa ATM fees noong Hulyo. Wala pa halos isang linggo matapos ang pagtanggal sa ‘moratorium,’ atat naman agad ang mga bank owner upang ipatupad ang kanilang plano.

Humahanga tayo sa ilang mambabatas na nagpahayag ng pag-alala sa posibleng maging epekto sa mga arawang manggagawa sa planong ito ng mga bangko. Tulad natin, naniniwala silang monopolyo ito sa network ng mga bangko sa bansa.

At sana, ang pagtutol ng ilan nating mambabatas ay magbunga ng maganda upang mapuwersa ang Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi payagan ang planong ito na hinihingi na ng permiso sa kanila ng Bankers Associaton of the Philippines (BAP).

Hindi dapat paniwalaan na nalulugi sila sa serbisyong ibinibigay ng ATM machine dahil ang perang ipinapasok sa kanila ng milyun-milyong depositors ay napapakinabangan din naman nila.

Bukod dito, may tinatawag na ‘corporate social responsibility’ na sana, kung ayaw nilang usigin ng konsensiya at hiya sa pagsingil sa mga depositor, ituring na lang nilang bahagi ito ng kanilang CSR.
Linisin ang Wagas Street sa Tondo

Marami ang humahanga kay Manila Mayor Isko Moreno.

Gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito para personal na ipanawagan ang paglinis sa buong Wagas Street, Tondo, Manila.

Kamakailan, napadaan tayo sa Tondo nang may daluhan na isang okasyon. Doon tayo ‘dinala’ ng ating ‘waze’ at laking gulat natin nang makitang sobra pa rin ang sikip ng Kalye Wagas.

Mukhang hindi sinusunod si Yorme Isko ng barangay captain sa Wagas kaya hanggang ngayon, walang nangyayaring ‘clearing operation.’

Sana mabigyang aksiyon ito ng kinauukulan.