Umpisa na ang piyesta ng halalan

February 17, 2019

NAG-UMPISA na nung Pebrero 12 ang kampanya ng mga kandidatong senador at party-list. Pagkaraan ng 45  araw, sa Marso 29 sasabay na rin ang kampanya ng  mga kongresista, mayor, vice-mayor, mga konsehal, gobernador at bise at mga bokal. Ito na rin ang umpisa ng piyesta ng halalan.  Tiyak puno na ang booking ng mga artista, singers, at mga naggagandahang mga modelo na inarkila ng mga pulitiko para humatak ng tao sa mga caucus at iba pang mga “ pa-cute” na events.  Tiba-tiba rin ang mga nagbebenta ng T-shirts, tarpaulins, posters at iba pang mga campaign paraphernalia. May mga social media operators at mga mainstream media na maglalabas ng press at photo releases.  Nandiyan din ang sangdamakmak na mga survey firms, mga abogado at operators sa COMELEC. Sabi ng mga economic managers ng administrasyon  ang gastusin sa halalan ang magpapalakas ng GDP ng Pilipinas.

May Otso Diretso na tiket ng 8 kandidatong senador na kakampanyahin ni VP Leni Robredo. Samantala, ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay may Hugpong ng Pagbabago tiket na may 14 na kandidatong senador.  Dito pa lang kita na ng taong bayan na ang oposisyon ay dehado sa laban at ang administrasyon ay lamang na lamang.

Kadalasan ang resulta ng mid-term election sa nakalipas na panahon ay pabor sa administrasyon dahil kabanguhan pa nito ngunit pagsapit ng end of term ng Pangulo, oposisyon ang nagwawagi. Hindi ko nakikita na masisira ang trend na ito ngayong 2019.  Halos lahat ng mga re-eleksiyonistang senador ay nasa tiket ng administrasyon at masikip ang puwang para sa mga bagong mukha na gustong maging senador ng Republika ng Pilipinas.

Ang isang botante ay napipilitan mag-isip at magsuri ng mga kandidatong nangangampanya at nanghihingi ng kanyang mahalagang boto.  Dahil mahirap gawin ito, kanya-kanyang diskarte ang ginagawa ng botante para mapadali ang pagpili ng pangalan na kanyang iitiman ang itlog sa balota.  

Sa pagpili ng kandidatong iboboto, may mga sumusunod sa tagubilin ng simbahang Katoliko at iba pang mga simbahan na nag-eendorso kung sino ang iboboto ng kanilang mga miyembro. Mayroon din iba’t ibang mga samahan sa negosyo, propesyon, at mga organisasyong sibiko na nag-iimbita ng mga kandidato upang mapakinggan, makadaupang palad at makilatis ng malapitan ang kandidato.

May mga botante ang batayan ng pagpili ay ang panlabas na anyo ng kandidato: guwapo, maganda o mukhang mabait. Ang iba naman ay sinusukat ang kabaitan ng kandidato sa tulong pinansiyal na iaabot ng kandidato sa kanila. Nakakalimutan ng mga botante na ang nagbigay ng pera ay pulitiko, hindi pilantropo na  walang hinihinging kapalit na boto at puwesto, ang kanilang iboboto sa halalan. Sabi nga ng iba ang kandidatong malakas gumastos sa kampanya ay matinding magnanakaw sa kaban ng bayan kapag nasa puwesto na.  

Mayroon din binibigyan timbang ang resulta ng mga survey na ayaw naman isiwalat kung sino ang nagbayad sa gastusin para mag-survey. Ito ay labag sa Section 5 ng RA 9006 o Fair Election Law.  Biruin mo, nabibilog ng 1,800 tao lang ang isipan ng 56 milyon botante kung sino ang mananalo at matatalo sa halalan. Sa totoo lang, sa pag-ikot ko sa Pilipinas, wala pa akong nakausap na nagsabing isa siya sa mga na-survey ng dalawang dambuhalang survey firms na mahilig maglabas ng resulta ng kanilang survey.  Bilang isang political scientist na tapos sa UP, alam ko na kayang dayain ang survey. Ang pagbuo ng tanong at paglista kung sino ang uunahing pangalan ay ilan lang sa mga paraan para makakuha ka ng resulta na papabor sa kandidatong nagbayad ng pa-survey.  

Mayroon din mga botante sumusunod sa may impluwensiya sa kanila, ang pulitiko sa lugar na may manok na senador o party-list; ang kanilang magulang o sinuman nakatatanda sa kanila na may koneksyon sa kandidato para madaling makahingi ng tulong kung mananalo ang manok nila; ang asawa o kapatid o amo sa trabaho o lider ng kanilang grupo sa trabaho o di kaya ay barkada o fraternity.  

Ang gubat ay patuloy na nababawasan sapagkat kada halalan binoboto ng mga punong kahoy ang palakol na may tatangnan na kahoy na dumadaya sa kanila para isiping kasama at kakampi ito.  

Ayon kay Edward Watts sa kanyang aklat na Mortal Republic: How Rome fell into tyranny, ang imperio ng Roma, sa kabila ng kanilang tagumpay sa paglupig sa mga bansa, ay bumagsak dahil sa mga pusakal na pabaya at walang kuwentang mga pulitiko na sakim sa kapangyarihan at inuuna ang sarili bago kapakanan ng mga Romanong maralita, ang kawalan ng paghahanap ng solusyon at pagkilos upang mawala ang hindi pagkakapantay -pantay ng kayamanan ng mayaman at ng kakarampot na pag-aari ng maralita na naghihikahos sa buhay at ang pagpapalayaw ng sambayanang Romano sa mga ganid na pulitiko na hindi naman nila pinaparusahan sa kanilang pagpapabaya, bagkus kinukunsinte pa nga basta maibahagi sa kanila ang ilang pirasong tinapay, makapanood ng mga laban ng gladiators at makita ang dugo na dumanak mula sa mga Kristiyanong pinapalapa sa mga Leon sa Coliseum at makakuha ng ilang hibla ng hamon.  

Nakakalungkot isipin na ang mga botante at mga pulitiko sa Pilipinas ay hindi nalalayo ng ugali, gawi at kilos ng mga Romano na siyang dahilan kaya nabulok ang kanilang lipunan at naglaho ang kanilang imperyo. Hindi pa nga tayo nakakarating sa tuktok ng bundok ng kaunlaran at kaginhawaan, palusong na tayo sa ating pinanggalingan -- ang lambak ng kadustaan at paghihikahos, at napakalawak na agwat ng mayaman sa mahirap.    Mahabag po kayo Panginoon Diyos sa mga Pilipinong nagmamahal sa iyo at sa bansang ito at iligtas po ninyo kami sa maling pagpili ng mga pulitiko ng mga botanteng nasa kadiliman.