Unahin ang private armed group bago ang pagkansela sa permit to carry firearms outside residence

NAGLABAS ng rekomendasyon si  Senador Panfilo “Ping” Lacson para kanselahin ang lahat ng permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) kasunod ng mga kaso ng pagpatay sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ani Lacson, hindi dapat mag-aksaya ng panahon ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng mas mahigpit na mga regulasyon sa gun control.

Ginawa ni Lacson ang pahayag kasunod ng pagpatay kina Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe at dating  Kadingilan, Bukidnon Mayor Joelito Talaid.

Kasabay nito, nais ni Lacson bilang chairman ng Senate committee on public Order and dangerous drugs, na magsagawa ng  public hearing ngayong Enero kaugnay sa mga kaso ng pagpatay sa bansa

“At the rate murder is being committed with impunity, it’s time for the PNP to impose stricter gun control measures. For a start, try suspending all PTCFORs. Anybody in civvies carrying firearms must be assumed to have criminal intent and apprehended on the spot,” diin ni Lacson, na dating hepe ng PNP simula noong taong 1999 hanggang  2001.

Bukod dito, gusto ni Lacson na dapat isama sa regulasyon ang pagbabawal sa sinumang alagad ng batas na magdala ng baril sakaling hindi sila nakauniporme.

“Anybody, including PNP officers not in police uniform must be assumed to have criminal intent and apprehended on the spot. It’s time the public developed a different mindset and assumption on people seen carrying firearms,” diin ni Lacson.

“This all the more needs urgent or even ‘unpopular’ measures by authorities, including very strict gun control measures,” diin pa nito.

Iginiit ni Lacson na dapat mahimok ng mga awtoridad ang mga sibilyan na huwag nang magdala ng armas at ipaubaya na ito sa mga awtoridad.

“Firearms are for self-defense and protection of properties from intruders, and not for offensive action by the possessor,” dagdag nito.

Ipinaalala rin ni Lacson na bukod sa panibagong kaso ng pagpatay, hindi rin anya dapat matabunan ang pagsisiyasat sa pagpatay kina  General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote; Radio anchor Joey Llana; Atty. Rafael Atotubo; dating Bgy. Councilor Pepe Baccay;  Ricardo Aparicio, asawa ni Clarin, Bohol Vice Mayor Velden Aparicio;  Ronda, Cebu Mayor Mariano Blanco III;  Sudipen, La Union Mayor Alexander Buquing; Human Rights lawyer Benjamin Ramos Jr.; Balaoan (La Union) Vice Mayor Alfred Concepcion; dating Bayambang, Pangasinan Councilor Levin Uy;   Businessman Dominic Sytin, Richard Santillan, dating aide ni dating Biliran Rep. Glenn Chong,  Senior Inspector Porferio Gabuya Jr.,  at iba pa.

“When persons in authority are now being killed in a brazen manner -- in broad daylight and in full public view -- that is cause for concern. If these personalities who have security details  are not safe, what more the ordinary Filipino?” sabi pa ng senador.

Sa ganang akin, walang masama sa panukalang ito ni Lacson.

Pero, bago sana maging ganito ang patakaran sa pagdadala ng baril, dapat ay unahin ng ating kapulisan na durugin ang mga private armed groups sa bansa.

Sila itong mga armadong grupo na ginagamit ng mga pulitiko at maimpluwensiyang mga tao sa personal nilang pamamaraan.

Para sa kaalaman ng lahat, ang mga taong nagtataglay ngayon ng PTCFOR ay halos dumaan muna sa butas ng karayom bago magkaroon ng lisensiya sa baril. Bukod kasi sa pag-aaply ng lisensiya, kailangan munang kumuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) bago pa makakuha ng PTCFOR.

Masyado nang mahigpit ang pagkuha nito at lahat halos ay kailangang dumaan sa mahabang proseso, kabilang na ang ‘neuro exam.’

Wala tayong karapatan na kontrahin ang kagalingan at katalinuhan ni Senador Ping.

Pero kung ako ang tatanungin,  dapat pagtuunang pansin ng ating mga awtoridad ang pagsawata sa mga private armed group na ginagamit ngayon sa karahasan, tulad na rin ang pagkakaroon ng hired killers na sigurado tayong hindi lisensiyado ang kanilang baril.

Sa halip pag-initan ang mga ‘responsible gun owners,’ mas dapat pagtuunang pansin ang pagdurog sa  private armies dahil naniniwala tayong ang mga taong may lisensiya ngayon sa paghawak ng baril ay gamit lamang pagdepensa sa kanilang mga sarili, samantalang ang  private armies ay siguradong ginagamit ng mga pulitiko at maimpluwensiyang tao sa bansa para gumawa ng krimen kontra sa kanilang mga kalaban.