Unfair kay PNP Chief Gen. Albayalde!

September 26, 2019

SANA nga totoo ang lumabas na ulat na ipinatawag na ng Ppalasyo ng Malakanyang si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde upang magpaliwanag ng personal kay Pangulong Duterte kaugnay sa lumabas na ulat na bahagi ito ng tinatawag na ‘ninja cop.’

Ako kasi ay hindi naniniwala sa akusasyong ito at kahit ang buong PNP hierarchy mismo!

Hindi tayo sigurado kung direkta ba talagang tinukoy ni Baguio City Mayor Benjamin’ Benjie’  Magalong si Albayalde bilang ‘ninja cop’ sa ‘executive session’ na isinagawa sa Senado. Pero kung natukoy man, maaaring may kinalaman ito sa pagkaka-relieve sa kanya bilang  police director ng Pampanga police, taong 2014, noong Senior Superintendent (full colonel sa military rank) pa si Oca dahil sa maanomalyang buy bust operation na isinagawa ng kanyang mga tauhan.

Sinibak si Albayalde noon dahil sa isyu ng ‘command responsibility.’

Ibig sabihin, nadamay lamang siya sa kalokohan ng ilan niyang tauhan.

Ganito halos ang sitwasyon ngayon ng nagbitiw na superintendent ng Philippine Military Academy (PMA) na si Ronnie Evangelista dahil naman sa pagkamatay sa ‘hazing’ ni 4th class cadet Darwin Dormitorio.

Hindi man nila kagustuhan ang buong pangyayari, ‘no choice’ sila sa kapalpakan ng kanilang mga tauhan dahil sa prinsipyo ng ‘command responsibility.’

Ibang-iba naman ito sa isyu ng ‘command responsibility’ na ipinunto noon kay dating Pangulong Noynoy Aquino at sinuspinding PNP chief Gen. Alan Purisima dahil kaya nangyari ang pagkakapatay sa SAF 44 noong January 2015 dahil sila mismo ang kasama sa isinagawang ‘briefing’ bago lusubin ng ating commando ang kuta ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao.

Mula nang makilala sa media si Gen. Albayalde bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong July 2016, marami ang humanga sa kanya.

Ibinalik ni Albayalde ang tiwala ng taumbayan sa ating kapulisan.

Kasagsagan noon ng pagbubunyag sa ‘narco list’ at ‘ninja cop’ na isiniwalat mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Bilang pagtalima sa direktiba ng ‘commander-in-chief,’ walang patumanggang ipinatupad ito ni Albayalde sa anumang paraan.

Kahit nga ang mga nag-aabusong pulis sa ilalim ng kanyang ‘command’ ay pinatunayan ni Albayalde na dapat managot sa batas ng taumbayan.

Hindi ba’t dahil sa galing, husay, sipag, talino  at sinserong pamamaraan ni Albayalde bilang Metro Manila top cop ay napahanga niya mismo ang Pangulong Duterte kaya kahit hindi siya bahagi ng ‘inner circle’ sa Davao group at Malakanyang ay siya ang itinalagang PNP chief noong April 2018.

Kahit sino, ultimo si Albayalde, ay nabigla dahil ang isang ‘dark horse’ na katulad niya ay labis na pinagkatiwalaan ng ating Presidente.

Dito rin maraming humanga sa ating Pangulo.

Pinatunayan ni Digong na kahit hindi niya lehitimong bata ay binibigyan niya ng maganda’t sensitibong trabaho basta alam niyang karapat-dapat ito sa itatalagang  puwesto.

Magreretiro na si Chief Oca ngayong darating na November 8 dahil sa ‘compulsary retirement’ sa edad na 56.

At maniwala o hindi ang ating mga kababayan, ngayon pa lang, matindi na ang intrigahan sa loob ng PNP para lamang makaupo ang ilang opisyal na gustong pumalit kay Albayalde.

Ayaw kong isipin na dahil sa ‘pulitika sa loob ng PNP’ kaya may isyung ganito ngayon kay Oca.

Mas gusto kong isipin ngayon na dapat, ngayong aalis na si Albayalde sa PNP, hayaan nating ibigay sa madla ang tunay na legasiyang iniwan nito sa buong PNP.

Gayundin sa umiidolo sa kanyang si NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar na isa sa contender ngayon bilang papalit kay Oca.

Masyadong ‘unfair’ sa opisyal kung papaypayan pa ng ilang ‘intrigerong’ PNP official ang napag-usapan sa executive session sa Senado.

Masakit kahit kanino tanggapin na ang lahat ng iyong pinaghirapan, buwis buhay na trabaho, malasakit at dedikasyong serbisyo sa taumbayan, ay masisira lamang ng isang intrigang hindi naman kayang patunayan.

Kung may ‘kiskisan’ sa PNP leadership, sana ay maging professional ito at wag sanang humantong sa siraan ng pagkatao lalo naman kung ang isyu ay hindi totoo.