Home>Editorial>Opinion>Unfriendly system ng Meralco

Unfriendly system ng Meralco

MAY isang sistema ang Meralco na posibleng isa ako sa sangkatutak na biktima ngayong pandemic.

Hindi ko na tatalakayin ang P21,000 na binayaran ko sa kuryente noong lockdown dahil kahit lumuha man ako ng dugo, hindi ko naman na mababawi iyon.

Dahil sa kawalan ng public transport or kung may tricycle man, hindi ko pa rin maiutos sa iba ang pagbabayad sa kuryente. Una, mahal ang tricycle kaya kapag-nag-utos ka, P150 sa tricycle pa lang plus iyong babayaran mong kuryente.

Kaya ang nangyayari, ako na ang nagbabayad sa mga bayad center or kung saan man para isasabay ko na sa pag labas ng bahay. Iyon nga lang, kailangan mong maglaan ng extra time sa pila at adjustment sa lakad mo.

Ito na ang problema, kung minsan dahil sa kawalan ng time or delay ang dating ng billing, magkasabay ang dalawang payables na darating. Kung hindi man sabay, magkasama sa isang billing ang previous balance kaya dalawang combined bills ang babayaran mo.

Pero ang malungkot, iyong haba ng pila mo sa bayad center, hindi mo puwedeng bayaran ang previous balance dahil current balance lang ang tinatanggap sa mga remote payment centers.

Kailangan mo raw bayaran ang previous balance sa mismong Meralco office na mas maraming tao, mas mahaba ang pila at mas malayo sa iyong ruta. High risk pa sa COVID dahil nakikita nating dumadagsa rin ang mga tao sa mga Meralco office, pangalawa.

Hindi natin alam kung bakit may ganitong unfriendly system ang Meralco gayong puwede naman sanang bayaran lahat all at once at one stop shop ang previous at current balance. Una, hindi ka naman bibigyan ng discount kapag sa Meralco office ka nagbayad or hindi rin naman papatawan ng penalty dahil all in na doon!

Bakit kailangan pang paikut-ikutin ang customer gayong puwede namang combined payment na sa mga bayad centers.

Lalo na ngayong iniiwasang magkumpulan ang mga tao dahil sa virus, bakit hindi na lang gawin ang mas madaling sistema. Isipin mo, iyong mga may sasakyan, dagdag din sa trapik ang mga iyan kung bihiyahe ka pa ulit mula sa bayad center papunta sa Meralco.

Kahit sana iyong may mga disconnection notice na ay puwedeng magbayad sa mga remote payment centers para maniwala kaming may malasakit kayo sa mga consumers.

Kaya nga tayo computerized na kahit saang sistema para isang click lang ay makikita nyo na ang nagbabayad at ang hindi nagbabayad.

Sana naman maging considerate ang Meralco sa ating mga kababayang naghahanap nga lang ng chance na makabayad sa obligasyon sa kuryente, pinahihirapan pa.

Dapat padaliin nyo ang buhay naming mga customers para maniwala kaming sa Meralco ay may liwanan ang buhay.

Dumidilim ang paningin namin sa pagpapahirap na ito kaya naman umaasa tayong magiging sensitibo ang Meralco para ayusin nila ang ganitong sistema.

Unless gusto nyong magsumbong na lang kami nang direkta kay Presidente Duterte.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV