Untouchable ba sina Kimberly at Michael Y.?

December 18, 2019

SA giyera laban sa iligal na droga, nandiyan ang  mga “high value target”  o HVT.

Sila ngayon ang tinututukan ng mga otoridad para matigil na ang pananalasa ng “drug monster” sa bansa.  

Sa kampanya  laban sa ismagling, nandiyan naman ang mga tinatawag na “major player” o “malalaking isda.”

Dapat kagaya ng mga “HVT,” ang mga “major player” naman sa Aduana ang dapat paghahabulin.

Iyon nga lang, mukhang “untouchable “ ang mga “malalaking isda” na nag-ooperate sa mga pantalan.

Bakit ika niyo? Kasi namamayagpag pa rin sina Kimberly  at Michael Y.

Sa totoo lang, sila ang tinaguriang “reyna at hari” ng palusutan ng kargamento sa Aduana.

Hindi lang ang Bureau of Customs ang niloloko nila.

Pati ang mga maliliit na broker ay pinapatay nila sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanilang mga iilang kliyente.

Ang mga kasabwat na lingkod bayan ay handa ring pahirapan ang mga maliliit na importer at broker para tuluyan ng mawala ang mga kalaban ng mga “major player.”

BoC Chief Rey Leonardo Guerrero, unahin niyo ang paglipol sa mga “malalaking isda” at ang kanilang mga kasapakat sa inyong ahensya.

Walang mangyayari sa kampanya laban sa mga kalokohan sa Aduana kung nandiyan pa rin sina Kimberly at Michael Y. Ang balita nga natin, mula ng pagbabanatan natin dito sa ating pitak si Kimberly, ibang mga tao na naman ang ginagamit para gumala sa assessment division ng PoM at MICP.

Huwag ka ng pumayag Comm.  Guerrero na tawanan lang kayo ng dalawang damuhong ito.
Nakakahiya!

***

Buhay at mainit na naman ang isyu ng Constitutional change o Cha-cha.

Dahil kontrobersyal ang isyung ito, inaasahang dito na naman iikot ang mundo ng ating mga kababayan.

Lalona’t papalapit na ang katapusan ng administrasyong Duterte.

Kanya-kanyang diskarte na ang mga nagbabalak kumandidato sa pagka-pangulo, bise presidente at senador sa 2022.

Pati nga ang mga gustöng tumakbong kongresista, gobernador at mayor ay nagpaparamdam na rin.

May mga lokal na opisyal na naglilibot na at namimigay ng Pamasko sa mga opisyal at kawani ng barangay.

Gustong-gusto naman ng mga taga-barangay ang pamimigay ng regalo.

Kaya lang inis ang mga hindi opisyal o kawani ng barangay. Alam kasi nilang kinakasangkapan lang ng mga pulitiko ang mga opisyal ng barangay.

Ano kaya ang masasabi ni Usec. Martin Diño?

***

Masusubukan ang tigas ni Manila Mayor Isko Moreno.

Marami kasing nagtatanong kung mapapasara niya kaya ang mga namemeke ng mga dokumento at ID sa kahabaan ng Recto Avenue sa Manila? Sa mahabang panahon kasi ay tinatawag na Recto University ang nasabing lugar. Ika nga, panahon pa ni kopong-kupong ay nandiyan na ‘yan.

Tinatangkilik ito ng maraming tao, lalo na ang mga naghahanap ng trabaho.

Noong mga nakaraang panahon, katwiran ng mga namemeke ng mga dokumento ay dapat papurihan sila dahil natutulungan nilang mapasok sa trabaho ang mga ‘di nakapag-aral  pero kayang-kaya naman ang ina-aplayang trabaho.

Hindi madaling laban ito, Yorme Isko.

Pero nasisiguro ko na kaisa mo ang taumbayan sa laban mong ito.  

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #”@21-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)