Usec Benny Antiporda, pinuri ng mga taga Lian, Batangas

April 16, 2019

MUKHANG nakakita na ng kakampi ang mga resort owner at residente ng Lian, Batangas sa pamunuan ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa katauhan ni Usec Benny Antiporda na hindi naman maikakaila na dati ring mamamahayag.

Kay Usec Antiporda kasi nila naramdaman ang tunay na pagmamalasakit matapos tugunan kaagad ang kanilang hinaing na nagsimula pa noong taong 2016 kaugnay sa ipinaiiral na P25 kada tao na environment user’s fee sa mga nagtutungo sa beach ng Matabungcay batay sa ipinasang ordinansa ng munisipalidad ng Lian, Batangas.

Sa pulong balitaan sa isang lugar sa Pasay City, ipinaliwanag ni Dennis Ilagan, kinatawan ng mga residente ng Barangay Santiago sa Lian na wala sanang problema kung sa kalinisan at pagpapahalaga sa kalikasan napupunta ang malaking halaga ng salapi na nakolekta sa environmental user’s fee ng munisipalidad pero mukha raw hindi nagagamit ng wasto ang salapi dahil sa halip na maging malinis ang kapaligiran, lalo pang nasalaula sa dami ng basura at lumala pa ang polusyon.

Lumiham na rin aniya sila sa tanggapan ni Mayor Isagani Bolompo upang humiling ng kopya ng pampublikong pagdinig kung mayroon man bago ipasa ang ordinansa na dati’y P5 lamang subalit itinaas sa P25 kada tao.

Gayunman, wala pa aniyang tugon ang munisipalidad sa kanilang liham na malinaw na paglabag sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Batay aniya sa huling impormasyong ibinahagi sa kanila ng lokal na pamahalaan, nanakaw umano ang tinatayang P500,000 pondo ng environmental user’s fee subalit duda sila rito dahil wala namang inihaing reklamo o kaso ang munisipyo.

Bukod dito ibinahagi na rin ng grupo kay Usec Antiporda ang umano’y pagkakaloob ng permiso ng munisipalidad  sa development at quarrying sa kanilang lalawigan kahit walang Environmental Compliance Certificate (ECC).

Nagpasalamat din ang grupo kay Usec Antiporda dahil kaagad na nagpadala ng kinatawan sa kanilang lalawigan upang suriin ang lugar at siyasatin ang kanilang hinaing.                                                
Free internet access

NANG lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Free Internet Access law noong Agosto ng nagdaang taon, umasa ang publiko na magkakaroon na ng libreng internet sa mga tanggapan ng lokal at pambansang pamahalaan, mga pampublikong paaralan, pagamutan, health centers, pampublikong transport terminals at mga paliparan at daungan.

Pero mukhang hindi yata naging makatotohanan ang batas dahil hindi maramdaman ang libreng internet sa naturang mga lugar gayung inatasan pa ng pangulo ang Department of Information and Communication Technology (DICT) na pangasiwaan at tiyaking matutupad ang batas.

Buti pa nga sa Navotas City dahil nararamdaman na ang libreng internet sa kanilang Centennial Park maging sa Navotas Polytechnic College, amphitheater, library, city bus station at ilang mga health center at basketball court.

Inilunsad kasi ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang NavoConnect wifi program at in-anunsiyo niya ito sa regular na aero-zumba session tuwing araw ng Linggo sa Centennial Park kung saan nasa 250 user ang makakokonekta sa bawat hotspot at bawat isa sa kanila ay makagagamit ng internet nang libre sa loob ng isang oras.

Umaasa naman si Mayor Tiangco na gagamitin ng mga Navoteño ang kapangyarihan ng internet sa pagsaliksik ng karunungan at pagpapaunlad ng sarili kasabay ng paalala sa mga magulang ng mga kabataan na suriin ang website na binubuksan ng kanilang mga anak upang hindi malinlang at mabiktma ng fake news.

Pwede naman pala Maluwag ngayon ang area ng Blumentritt, maayos ang linya ng mga vendor at hindi na rin nagagamit bilang terminal ng mga tricycle ang gitnang bahagi ng lansangan dahil sa tuwina’y itinataboy sila ng nag-iikot na mga pulis mula sa Blumentritt Detachment sa utos na rin ng kanilang hepeng si P/Maj. Roy Augustus Calulot.

Sa text ng isang reader, puwede naman daw palang malinis ang lugar eh bakit ngayon lang ito ginagawa? Dahil daw ba panahon ng halalan at nangangamba sila na dito mag-ikot para mangampanya si Mayor Erap at makita ang magulong lugar?  

Sana raw ay tumulong naman ang barangay officials sa paglilinis lalo na dito sa Antipolo St. kanto ng Felix Huertas na nilagyan na ng malalaking freezer ang bangketa kaya hindi halos makadaan ang mamimili. Ibinigay na kasi sa vendors ang buong lansangan pero pati pala bangketa, ginawang extension ng groserya dahil dito inilagay ang naglalakihang freezer.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.