Usec. Joel Egco, mawawalan na ng trabaho?

September 16, 2019

SADYANG “mabilis ang panahon,” mga kabayan.

Ngayon kasi, sa ika-10 taon ng ‘Ampatuan Massacre’ kung saan 32 sa 58 na mga biktima ng angkan ng Ampatuan sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 ay mga “kapatid” natin sa media, inaasahan na ng lahat ang paglabas ng desisyon ng korte, sa pagtatapos ng litigasyon noong nakaraang Hulyo.

Kumbaga, pagkaraan ng isang dekada ng “matiyagang paghihintay” ng lahat—na tinampukan ng kilos-protesta ng mga mamamahayag sa pangunguna ng National Press Club sapul nang maganap ang insidente—tila may “kahihinatnan” na ang lahat.

Siguro pa rin, para sa atin, “mabilis” ang 10 taon bagaman para sa pamilya ng mga biktima, matagal at masakit ang sampung taong walang hustisya.

Pero ngayong taon, sa ilalim ni Pangulong Duterte at ang kaniyang binuong Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na pinamumunuan ni ex-NPC president, Joel Sy Egco (na kasama ko at ni DENR Usec. Benny Antiporda sa pag-oorganisa ng mga kilos-protesta at iba pang mga pagkilos noong termino ni Noynoy Aquino upang hindi maisantabi ang isyung ito) inaasahan natin na magkakaroon na ng hatol ang masaker na ‘worst single day attack’ laban sa media saan mang panig ng mundo.

Ngayon pa lamang ipinagpapasalamat na natin na pagkatapos ng mahabang panahon, ang inaakala ng marami na wala nang kalutasang pagmasaker sa ating mga kasamahan ay magkakaroon na nang hustisya.

Kampante tayo sa naging trabaho ng PTFoMS kung saan maging si Usec. Egco ay nangakong “magbibitiw” sa kaniyang posisyon kung hindi magiging paborable para sa mga biktima ang hatol ng korte, kaya, sige, Usec. Joel, hindi kaya “gutom” lang yan, hahaha! Huwag kang magpalipas ng gutom hane, hehehe!

Sa dinami-dami ng mga naitulong ng administrasyong Duterte sa hanay ng media, isa na ito sa pinakamasasabi nating magpapatunay sa sinseridad ni Pangulong Duterte sa kaniyang pangakong bigyang hustisya ang mga biktima ng karahasan, kasama na ang hanay ng media.

Kung mangyari nga na “matuldukan” ngayong taon ang krimen na ito sa magiging desisyon ng korte, isa na naman itong “tagumpay” ng kasalukuyang administrasyon dahil nangyari ito bagaman nasa “kalagitnaan” pa lang sa kanyang termino si PDU30.

At siyempre, malaking sampal na naman ito sa tamad, tiwali at pro-elitistang administrasyon ni Noynoy Aquino na natapos ang termino ay hindi man lang tinupad ang pangako nitong hustisya para sa mga biktima ng masaker noong kandidato pa lang siyang pangulo sa 2010 elections.

Translation? “Ginamit lamang ni Noynoy ang kalunus-lunos na sinapit ng mga biktima para lamang makaupo sa puwesto. Pero matapos ang anim na taong panunungkulan nito, “nganga” ang sinapit natin.

At sakali pa rin na lumabas na ang hatol ng korte ngayong taon, muli nating napatunayan na “kung gugustuhin” ng isang pangulo na tumulong at magtrabaho, magagawa nito.

“Masakit” mang sabihin, mga kabayan, hindi natin maiwasang ikumpara sa nakalipas na administrasyong Aquino ang kasalukuyang gobyerno dahil nga walang nagawa, as in, wala talagang nagawa, para sa ating mga taga-media ang nagdaang rehimen.

Balikan na anim na taon, sa buong temino ni Noynoy, “nangalampag” ang media, sa pangunguna ng NPC upang bigyang-pansin naman ang Ampatuan Massacre, sampu ng mga banta at karahasan sa hanay ng media subalit, ‘yun nga, “nganga,” huhuhu!

Papalapit naman ang Nobyembre 23, harinawang magkaroon na nga ng closure’ sa masaker na ito—at para na rin hindi mawalan ng trabaho si Usec. Egco, hihihi!

Abangan!!!