Utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kumpiskadong bigas ipamigay!

May 01, 2019

GALIT na si Pangulong Rody Duterte dahil sa isyu ng basura galing Canada.

Kaya naman inutusan na ni Finance Secretary Carlos Dominguez 111 ang Bureau of Customs (BoC) na ibalik na sa Canada ang mga basura.

Ang BoC, na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ay nasa ilalim ng Department of Finance na pinamumunuan naman ni Dominguez.

Bago nito ay sinabi ni Pangulong Duterte na handa siyang mag-deklara ng giyera laban sa Canada kung hindi kukunin ang mga basura.

Sinabi pa ni Duterte na itatapon niya sa Canadian Embassy sa bansa ang ibang basura.

Ang mga basura, na nakalagay sa 103 containers ay dumating sa bansa noong 2013 at 2014.

Ang laman ng 34 containers ay ibinaon sa isang landfill sa Tarlac.

Ang ibang containers ay  nakaimbak ngayon sa Port of Subic at Manila International Container Port.

Ayon kay BoC Spokesman Erastus Sandino Austria, ginagawa nila ang lahat para masunod ang  utos ni PRRD na ibalik agad sa Canada ang mga basura.

Kahit sino naman siguro ay magagalit.  

Biruin mo nga naman, anim na taon ng nakaimbak sa bansa ang mga basura.

Insulto sa atin ang ginawa ng Canada.

Hindi naman tayo tambakan ng basura ng mga mayayamang bansa.

Sa ginawa ni Pangulong Duterte ay siguradong nasa likod niya ang taumbayan.

***

Maraming nagugutom sa bansa, kabilang na ang mga biktima ng kalamidad sa ibat-ibang parte ng Pilipinas.

At malaki ang maitutulong ng mga nakumpiskang kontrabandong bigas para matulungan ang mga nagugutom.

Sa katunayan ay inutos na ni Pangulong Duterte sa BoC sa Zamboanga City na ipamigay na sa mga biktima ng kalamidad ang mga nakumpiskang smuggled rice.

Inilabas ni Pangulong Digong ang utos nang magpulong ang mga kolektor ng BoC sa Malakanyang.

Nakiusap naman si Port of Zamboang District Collector Segundo Sigmonfreud Barte na pabayaan silang isubasta ang 30,000 kaban ng smuggled rice para may pambayad ang opisina sa storage fee at iba pang gastusin.

Dapat ibigay na lang sa Department of Social Welfare and Development  ang iba pang kumpiskadong kontrabando.

Bahala na ang mga taga-DSWD sa pamamahagi ng mga kontrabando sa mga nangangailangan.

***

Kakaiba na ang nararamdaman sa bansa, bunga ng tinatawag na global warming.
Ang sitwasyon ay lalong pinalalala pa ng pagkalbo sa mga kabundukan at pagkawala ng mga gubat.

Panahon na para maglunsad ng nationwide reforestation program.

Mas maige na pangunahan ito ng Department of Education at     Department of the Interior and Local Government.

Kung hindi tayo magtatanim ng mga punong kahoy,  darating ang araw na mauubos ang mga natitira nating kagubatan.

Resulta? Matinding init at pagbabaha.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)