VFA agreement: one way traffic

January 29, 2020

KUNG mayroon mang totoong nakikinabang sa Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Amerika at ng Pilipinas, iyon ay si Uncle Sam.

Ang VFA ay isang bagong mukha ng military agreement ng dalawang bansa bilang kapalit ng pagkakabasura ng military bases sa Clark at Subic sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.

Sa ilalim ng VFA, puwede ang US forces dito pero kailangang mobile dahil bawal ang naka-station. Dito rin nakapaloob ang Balikatan Exercises na ang layunin ay magpalitan ng kaalaman ang US at Filipino soldiers.

Dito pa lang sa Balikatan, hindi na masasabing parehas ang kasunduan dahil kapag dumating ang US soldiers dito sa atin, sakay sila ng US fleet na hindi bumababa sa 500 ang sundalo.

Sa kabilang banda, kapag Filipino soldiers naman ang pupunta sa Amerika or sa American territory gaya ng Guam for Balikatan exercises, sakay lang sila ng speed boat. Ibig sabihin, limitado ang numero ng Pinoy soldiers na puwedeng lumahok sa pagsasanay.

Sa kasunduan ding ito nakapaloob na kapag nagkasala ang sundalong Kano gaya ng rape, murder or kahit ano pang capital offense, ang US government ang nakakasakop sa kanila. Case in point, si Private First Class Joseph Scott Pemberton na inakusahang pumatay sa bading na si Jeniffer Laude.

Napatunayan sa korte na si Laude ay pinatay sa pamamagitan ng pagsakal at paglunod sa inidoro. Pero dahil sa VFA at Enhanced Defense Cooperation Agreement or EDCA, si Pemberton ay saglit na ikinulong sa Kampo Aguinaldo pero mga US soldiers ang bantay. Kalaunan, inilipat sa US Embassy custody at sa bandang huli, inilipad na sa Amerika.

Hindi pa natin nasubukan ang VFA at EDCA sa criminal benefits sa Pinoy soldiers dahil wala pa namang ni-rape o pinatay na blonde ang ating mga sundalo habang nasa Balikatan exercise sa Amerika. Pero sa bait ng mga sundalo natin, lalo na kapag nasa ibang bansa, malabong masangkot ang mga ito sa katulad ng kasong ginawa ni Pemberton.

Ano pa ba ang pakinabangan ng Philippine government sa VFA at EDCA? Kapag may mga foreign forces ang sasakop at manggugulo sa bansa, hindi naman basta papasok na lang ang US forces para tumulong. Kailangan pa aprubahan ng kanilang Kongreso bago nila ito magawa.

Parang  sa school campus, dadagukan si Juan ng kaklase niyang bully, kahit nakaharap si Kano, wala siyang magagawa, kailangan munang magsumbong si Juan sa principal at pag-uusapan pa sa guidance kung ano gagawin nila sa nambatok na nakatakas na.

Kung epektibo ang mutual military assistance, bakit nakabuo ng sangkatutak na military garrison ang China sa mga isla ng Pilipinas gayong palagi naman itong nakikita sa satellite ng Amerika?

Hindi naman nagawa ito ng China sa loob lamang ng tatlong taon ng Duterte administration, mula pa noon sa mga panahon ng mga nakaraang administrasyon ay kumilos na ang mga bata ni Xi Jin Ping pero hindi naman pinigil ni Uncle Sam.

Kung mayroon mang mas malaking nakikinabang sa VFA, si Uncle Sam na iyon dahil ang Pilipinas ay isang istratehikong lugar para sa military tactics kung sakaling uminit ang ulo ni Boy Kano sa mga kinaiinisan nilang Iran, Iraq, Russia or China.

Sa totoo lang, para ring water concession agreement ang VFA, one way traffic lang dahil ang lahat ng pakinabang ay nasa negosyante.

Parang banking agreement sa Bangko Peligroso, puwede kang magdeposito pero bawal mag-withdraw.
allanpunglo@gmail.com