Home>Editorial>Opinion>Video karera machine hindi palulusutin sa Kamaynilaan

Video karera machine hindi palulusutin sa Kamaynilaan

BUKOD sa iligal na droga, mahigpit ang tagubilin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Vicente Danao, Jr. sa lahat ng mga district directors sa Kamaynilaan na paigtingin ang kampanya laban sa video karera (VK) machine.

Sabi kasi ni Danao, kakambal na ng VK ang iligal na droga dahil nagiging tambayan na ito ng mga drug pushers bunga ng pagkahumaling sa paggamit ng droga ng mga manlalaro na karamihan pa naman ay kabataan na halos magdamagan kung magsugal.

Pero kahit mahigpit ang kampanya ng NCRPO laban sa VK, may ilan pa ring talagang matitigas ang ulo at matibay ang loob na maglatag ng makina sa mga lugar na karamihan sa mga naninirahan ay kabilang sa mga maralita dahil sa laki ng kinikita sa dami ng mga manlalaro.

Kamakailan nga lang, dalawang sunod na operasyon ang isinagawa ng Malabon police sa magkahiwalay na lugar sa  M.H. Del Pilar St. sa Bgy. Santulan at Sto Nino St. sa Bgy. Concepcion kung saan nakumpiska nila ang tig-isang makina ng VK pero ang nahuli lamang ay isang basurerong manlalaro at ang may-ari ng tindahan na pinaglagyan ng makina.

Hindi talaga matukoy ng kapulisan kung sino ang pasimuno sa paglalagay nito, pati na ang protector kaya ang kawawa, yung mahuhuling naglalaro at yung may-ari ng lugar na pinaglalagyan ng VK.

Pero hindi lang sa area ng Northern Police District (NPD) may mga naglalatag ng VK dahil kamakailan lang din ay pinangunahan pa ni Danao ang pagwasak sa 65 makina ng VK at fruit game machines sa Las Pinas City na nakumpiska ng mga tauhan ni Col. Rodel Pastor sa iba’t-ibang lugar sa lungsod.

Naging kostumbre na kasi ng mga operators ng VK na magbakasakaling maglatag sa mga matao at mahihirap na lugar at umasa sa mga nakakausap nilang mga tiwaling opisyal ng barangay at pulisya na mabibigyan ng proteksiyon ang kanilang iligal na sugal.

Maging sa mga lugar na sakop ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Emmanuel Peralta ay may mga nakalatag pa ring VK at tiyak na matutunton lang kapag may intelligence report nang matatanggap ang kapulisan.

Sa ngayon kasi, tanging VK at mga sugal na nalalabag ang umiiral na social at physical distancing tulad ng sakla at color games ang pinagtutuunan ng pansin ng kapulisan kaya’t namamayagpag ang mga operator at kubrador ng mga sugal na jueteng, EZ2, lotteng at iba pang numbers game na may proteksiyon naman daw sa mga kilalang tong collectors ng PNP.

Navotas Teachers’ Day

NAGING makulay ang selebrasyon ng Navotas Teachers’ Day sa may 123 master teachers dahil pinagkalooban sila ng laptop computers habang ang 24 na guro naman sa pampublikong paaralan sa elementarya at high school ay tumanggap ng tig-isang desktop unit mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Navotas.

Maging ang Navotas Science High School ay pinaglaanan din ng pondo ni Mayor Toby Tiangco kaya’t nabahaginan din sila ng 24 na desktop computers para sa computer laboratory ng naturang paaralan.

Itinuring kasing “modern day hero” ng alkalde ang mga guro dahil sa patuloy nilang pagtuturo sa mga kabataang estudyante sa panahon ng pandemya kaya’t kahit man lamang sa pamamagitan ng online celebration ng Navotas Teacher’s Day ay madama ng mga ito ang kanilang kahalagahan.

Maging si Congressman John Rey Tiangco ay nagpaabot ng kanyang pagpuri sa mga guro sa kasipagan at matiyaga nilang paglikha at implementasyon ng NavoSchool blended learning model.

Ayon kay Cong. John Rey, tumawag ng pansin sa buong bansa ang kanilang NavoSchool-in-a-box na nagpapatunay lamang na kahit sa panahon ng pandemya ay dapat ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante.

Bukod nga pala sa mga computers, namahagi rin ang magkapatid na Tiangco ng P200,000 cash prizes kung saan 150 mga guro ang nagwagi ng tig-P500, 50 naman ang nanalo ng tig-P1,000, 20 ang tig-P2,000, lima ang tig-P3000 habang pinakamapalad ang isang nanalo ng P10,000.

Idinaraos ang Navotas Teachers’ Day tuwing ikalawang Biyernes sa buwan ng Disyembre sa ilalim ng ipinasa noon na Municipal Resolution No. 2006-02.

Mabuhay  Ka, Ka Maeng!

Tumanggap ng parangal si Ka Maeng Santos, reporter ng pahayagang Bulgar at adviser ng CAMANAVA Press Corps mula kay Malabon Police Chief P/Col. Angela Rejano dahil sa malaking nai-ambag niya sa paglaban ng pulisya sa iligal na droga.

Si Ka Maeng ang tumatayong saksi sa mga matatagumpay na operasyon ng Malabon police laban sa mga kilabot na tulak ng droga na nagreresulta sa pagkakakumpiska sa kilo-kilong shabu, hindi lamang sa area ng Malabon kundi sa mga lungsod din ng Navotas, Caloocan at Valenzuela.

Sa kabila ng panganib na kinakaharap, matapang na naninindigan si Ka Maeng sa pagharap sa piskalya at korte upang pangatawanan ang kanyang partisipasyon sa kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363.

Publication Source :    People's Tonight