‘Wait lang’ mentality ng mga kabataan

August 28, 2019

KUNG hindi magbabago ang trend ng mga batang lulong sa dota, mobile legends at paggamit ng gadgets, hindi ako magtatakang mauubos na rin ang mga kabataang pakikinabangan ng bayan.

Sabi ng isang pari sa dinaluhan kong misa nito lang Sunday, ang mga bata raw ngayon ay walang alam isagot kapag inuutusan ng mga magulang kung hindi “wait lang.”

Tatadtarin ka ng wait lang, kapag sumunod sa iyong inuutos, kung hindi mali, kulang-kulang o hindi nagawa nang kumpleto.

Nauubusam na tayo ng mga batang “mcgyver” o mga madiskarte at maabilidad sa maraming bagay dahil nga wala nang inatupag kung hindi gadgets. Magiging liabilities na lamang ng bansa ang maraming kabataan kung hindi ito maagapan ng estado, ng komunidad at ng mga mismong magulang.

Sabi nga sa isang African proverbs: It takes a village to raise a child. Obligasyon nating lahat na lumikha ng mga bagong henerasyon ng kabataan tulad ng aming panahon.

Kailangan natin ng mga bagong skilled youth na magiging produktibong mamamayan sa kinabukasan. Palagi kong sinasabi na isa sa pinaka-produktibong kabataan ay inabot pa namin. At puwede kong sabihin na isa ako sa mga iyon.

Kami iyong mga kabataang naglilinis ng mga baradong kanal, mga baradong alulod ng bahay, mga nangunguha ng kaning baboy, mga nagwawalis sa bakuran, mga nagreretoke ng mga sirang electric fan, nagbubunot ng sahig para kumintab, nagluluto, naghuhugas ng pinggan, nagliligpit ng higaan at nag-aaral mabuti para sa kinabukasan.

Sa halip na social media at interactive; actual socialization at real time interaction sa community ang aming ginagawa araw-araw. Naglalaro kami kasama ng aming mga kapwa. Regular ang aming tumbang preso, taguan pong, sipa, agawan base, football kalye, habulan, mangunguha ng gagamba, aakyat sa mga puno para manguha ng bayabas, santol o mangga, mamimingwit ng palakang bukid o isda, sabay-sabay tatalon sa ilog para sabay-sabay din magpatuli.

Kung aatras tayo ng isang henerasyon o 25 years, taong 1994 lang iyon, malaki na rin ang pinag-iba ng mundo sa mga panahong iyon. Mas gusto ko pang umatras ng another generation o mga 1969 pataas.

Ang totoo, awtoridad ako sa dalawang henerasyon na ito dahil ngayong Oktubre ay 52 years old na rin naman tayo. Malaki na ang kaibahan ng batang 1969 hanggang 1994.

Wala namang masama sa modernisasyon ng mundo pero wala ring masama na magkasabay ang luma at bagong kultura.

Hindi ko kasi mahanapan ng katwiran kung bakit kayang magbabad ng mga kabataan hanggang limang oras sa mga gadgets nang walang social interactions pero hinahayaang nakatiwangwang ang pinagkainan o pinaghigaan.

Kaya nga isa ako sa mga susumuporta ng revival ng ROTC at nagtutulak na maging compulsary ang Scouting sa elementarya at sekondarya. Ang panawagan natin sa mga magulang at sektor na tumututol dito, parang awa nyo na, kailangan natin ito para sa future generations.

Kung hindi natin nagawa ang obligasyon sa loob ng tahanan para ayusin at disiplinahin ang mga kabataang ito, humingi na tayo ng tulong sa estado at sa mga paaralan.

Halos hindi nga marunong humawak ng walis, martilyo o lagari ang ating mga anak kaya wala tayong maging pakinabang sa kanila. Kung hindi natin inihulma ang ating mga kabataan ngayong 2019 hanggang sa susunod na 25 years, magiging zombie community na ang mga kabataang hindi nag-uusap dahil puro gadgets na lang ang kasama sa buhay.

At ang ating bansa, wala nang nagmamalasakit ng kabataan.
allanpunglo@gmail.com