Wakasan ang ‘endo’ sa gobyerno!

November 15, 2018

TUMPAK ang panawagan ni Senador Joel Villanueva na pagtuunang pansin din ang talamak na ‘endo’ sa pamahalaan.

Sa isang pahayag, sinabi ng mambabatas, napapanahong wakasan na rin ang umiiral na kontraktuwalisasyon sa mismong pamahalaan.

Si Villanueva ang chairman ng Senate committee on labor, employement and human resource development.

Magandang usapin aniya ito dahil kahit may sertipikasyon ang Pangulong Rodrigo Duterte bilang ‘urgent’ ang ‘Security of Tenure Bill,’ mistulang wala rito ang kapakanan ng mga government employee na hanggang ngayon ay hindi regular sa kanilang mga trabaho.

“How can we expect the private sector to follow suit if the government itself implements labor contractualization?” sabi pa ni Villanueva.

Sa datus ng Civil Service Commission noong taong 2017, aabot sa 660,390 government workers ang hindi pa rin regular hanggang ngayon. Sila ay nagtatrabaho sa pamahalaan bilang mga casual, ‘contract of service’ (COS) o ‘job orders’ (JO) lamang.

Lumilitaw na 28 porsiyento sa kabuuang bilang na 2.4 million government employees sa buong kapuluan ang nananatiling walang kasiguruhan kung kailan sila matatanggal o hanggang kailan sila mananatili sa kanilang trabaho.

Sinabi ni senatorial candidate Ilocos Norte Rep. Imee Marcos, karamihan sa mga bilang na ito ay halos 10 taon na sa kanilang trabaho o higit pa.

“Mayroon diyan, 15 taon na sa trabaho pero JO pa rin sila. Kaya nga JO kasi sa isang special project lang, pero iyon pala pangmatagalan na sila. Kaya dapat namang i-regular na sila kasi kawawa naman talaga ang ating mga manggagawa sa pamahalaan,” sabi pa ni Marcos.

Para kay Villanueva, ang ganitong uri ng kalakaran ay nagbibigay ng labis na pangamba o kawalan ng ‘peace of mind’ sa  ‘public servants’ sa bansa.

“Let us attract the best and the brightest workers in the government by giving the peace of mind they deserve in recognition of their contribution to our society, be it local- or national-level public service,’’ sabi pa ng senador.

Kamakailan, inihayag ng Department of Budget and Management na simula sa December 31, 2020, hindi na kukuha ng bagong COS at JO workers ang pamahalaan at tatapusin na rin ang kanilang kontrata.

“Sila ang tunay na tagasilbi sa bayan, kaya sila ang unang dapat bigyan ng tamang atensiyon at kasiguruhan sa kanilang trabaho,” dagdag naman ni Marcos.

Noong nakalipas na buwan ng Enero, pumasa na sa ikatlong pagbasa ang panukalang tatapos sa malalang problema ng kontraktuwalisasyon para sa pribadong sektor.

May hiwalay na panukala sa Mataas na Kapulungan na Senate Bill. 1826 o tinatawag na Security of Tenure Act na sinertipikahan bilang ‘urgent bill’ ng Pangulong Duterte.

Layunin ng panukala na tuldukan ang malalang sistema ng kontraktuwalisasyon sa mga pribadong kompanya.

Ang paglaban sa endo ang isa sa ipinangako ng Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections.

Endo ang patuloy na gumigipit sa seguridad ng bawat obrero sa bansa. Malinaw sa Labor Code na ang sinumang manggagawa na nagtatrabaho ng mahigit sa anim na buwan ay awtomatiko nang regular sa kanilang trabaho.

Sa labis na katusuhan ng mga kapitalista, wala pang anim na buwan ay sinisibak na ang mga manggagawa sa kanilang trabaho upang takasan ang kanilang obligasyon sa mga uring manggagawa ng bansa.

Sa ganang akin, palawakin pa nang husto ang pagsugpo sa talamak na endo.

Gawin ito hindi lang sa pribadong sektor kundi wakasan din ito sa lahat ng ahensiya ng gobyerno!

Sabi nga ni Imee Marcos, paano natin mapapasunod ang pribadong sektor kung mismong gobyerno ay hindi rin kinikilala ang hirap, pagod at seguridad ng mga empleyado sa pamahalaan.