Wala sa kamay ng mga District Collector ang laki ng koleksiyon

May 29, 2019

SA Aduana, malaking bagay kapag natawag kang isa sa “top performers” ng buwan.

Ito ang panalangin ng bawat district collector, ang maabot ang kanilang monthly collection target.

Isang karangalan ang mapabilang sa listahan dahil mahirap talagang makamit ang  mataas na assigned tax take ng  bawat puerto.

Pero huwag nating kalimutan na ang laki ng makokolektang buwis at taripa ay nakasalalay sa dami at klase ng mga dumarating na importasyon.

Kaya hindi nangangahulugan na tamad o bobo ang kolektor na hindi nakakaabot ng target.

Ang ibig lang sabihin niyan, wala sa kamay ng district collector ang laki ng koleksyon.

Ang magagawa ng kolektor ay pagandahin ang palakad sa kanyang distrito.

Ito ay upang maengganyo ang mga importer at broker na paratingin ang kanilang shipment sa kanilang  distrito.

Siguraduhing maayos at mabilis ang paglabas ng mga kargamento.

Gawing importer at broker friendly ang kanyang port of entry.

Sa ganyang paraan, masasabi nating walang red tape at korapsyon sa processing ng mga papeles.

Tama ba, Commissioner Rey Guerrero?

***

Nag-resume na ang sesyon ng mga senador at kongresista.

Meron lang silang tatlong linggo para magtrabaho bago matapos ang 17th Congress.

Kailangan nilang kumayod-kalabaw para aprobahan ang mga nakabinbin na panukalang batas.

Marami pang priority bills ang administrasyon na kailangang maipasa on third and final reading sa Senado at Kamara de Represantante.

Naniniwala tayo na maipapasa ang mga panukalang batas na ito.

Supportive naman ang mga mambabatas sa mga programa ni Pangulong Rody Duterte.

Pati ang mga taga-political opposition ay  pabor din sa mga bill na makatutulong sa taumbayan.

Ang kailangan lang siguro ay magkaroon ng quorum para makapagtrabaho ang mga mambabatas.

Sana dumalo sa mga sesyon kahit paalis na ang mga natalong mambabatas.

Ang isipin nila ay ang kapakanan ng lahat.

***

Katatapos pa lang ng eleksyon, pero mukhang hindi magtatagal ay magsisimula na ang pormahan para sa 2022 presidential polls.

Sa ilalim ng Constitution, hindi na puwedeng tumakbo muli si Pangulong Rody Duterte.

Hanggang isang six-year term lang ang pangulo ng bansa.

Dahil presidential polls ang susunod na halalan, magkakanya-kanyang grupo na ang mga nagbabalak kumandidato sa 2022.

Maraming presidentiables at kailangang magpakitang gilas sila sa susunod na tatlong taon.

Sandali lang ang tatlong taon.

Sa Senado at House of Representatives, marami ang nagbabalak tumakbo sa pagka-presidente.

Kung sabagay, mabuti na rin ‘yan para siguradong maraming pro-poor na batas ang maipasa.

Alam ng mga nagbabalak kumandidato sa pagka-presidente na maraming mahihirap sa bansa kaya ito ang tinatarget nila.

Tuluy-tuloy ang political circus sa bansa.

Tsk tsk tsk...

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/enail:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)