Walang absolute freedom sa social media

November 14, 2018

GUSTO kong makakita ng maraming Keana Reeves.

Hindi starlet ang ibig kong sabihin. Gusto nating maraming katulad ni Keana Reeves ang makita pa ng publiko na inaaresto dahil sa cyber libel.

Batay sa mga naglabasang balita, sinasabing si Keana ay kinasuhan ng cyber libel ng isang taga-Laguna na kumuha sa kanya para sa isang performance sa food park. Binayaran umano ng negosyante si Keana ng P5,000 talent fee at P1,500 na pamasahe.

Sa kabila nito, gusto pa rin daw magpahatid ni Keana pabalik sa QC subalit hindi na ito nagawa ng kumontak sa kanya dahil una, pagod na raw at mayroon naman na itong budget para sa pamasahe.

Lumilitaw pa rin sa police report na nagreklamo ang negosyante dahil ginamit ni Keana ang social media para bansagan siya ng kung anu-anong tawag tulad ng “demonyang bakla.”

Dito papasok ang sinasabi nating responsibilidad ng bawat gumagamit ng social media. Marami tayong nakikita sa social media na parang “indiscriminate firing” ng mga taong walang pakialam sa kanilang mga sinasabi.

Totoo malaking bagay sa ating lahat ang internet, ang FB, ang youtube, ang instagram at ang lahat ng social media flatforms. Pinagaan nito ang paraan ng ating komunikasyon kung ikukumpara sa mga snail mail at telegrama noong mga dekada 60 hanggang dekada 90.

Sa mga electronic media tulad ng TV at radio, hindi pa rin nawawala kahit paano ang “clearing house” bago makaere ang programa. Kung may  live shows naman, naroon pa rin ang likas na responsibilidad ng karamihan sa mga radio at TV networks.

Kakaiba sa social media, kanya-kanya tayo ng kaisipan, kanya-kanya tayo ng desisyon kung ano ang gusto nating ipalaganap.

Katulad ng palagi kong sinasabi, ang social media ay katulad din ng kutsilyo sa ating mga kusina. Kung hindi mo ito gagamitin nang tama, maaari kang makasakit at makapinsala.

Totoong may tinatawag na freedom of expression bilang unibersal na patakaran ng mundo. Pero wala iyong tinatawag na absolute freedom. May kalayaan kang magpahayag pero wala kang kalayaang siraan o tawagin ng kung anu-ano ang sinuman na gusto mong maibigan.

Kaya nga importante ang sinasabing “think before you click” dahil nga sa anti-cyber libel na puwedeng isampa sa iyo. Mas mapanganib ang social media kumpara sa conventional media dahil mas malawak ang naaabot nito. Boundless dahil puwede itong makarating hanggang sa dulo ng walang hanggan.

Ang kagandahan lang ng social media, mas madali mong makikita kung sino ang mababaw, sino ang walang binatbat sa mga opinion, sino ang walang pinag-aralan at sino ang hanggang doon lang mag-isip.

Kaya nga ingat tayong lahat, madaling nasusukat ang ating pagkatao batay sa ating mga sinasabi at pinapalaganap gamit ang social media.

allanpunglo@gmail.com