Home>Editorial>Opinion>Walang dahilan para palitan si BoC Chief Rey Guerrero

Walang dahilan para palitan si BoC Chief Rey Guerrero

SA kabila ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 ay nagagawa pa rin ng Bureau of Customs (BoC) na lampasan ang kanilang buwanang collection target.

Sa katunayan, mula pa noong Hunyo hanggang Nobyembre ay laging “positive” ang buwanang koleksiyon ng ahensiya.

Dahil sa magandang performance ng BoC noong nakaraang buwan ay kailangan na lang ng mga tauhan ni BoC Chief Rey Guerrero na makakolekta ng P13 bilyon ngayong Disyembre para maabot ang 2020 assigned tax take nila.

Ang koleksiyon ng BoC mula Enero 2020 hanggang Nobyembre ay umabot na ng tumataginting na P493.32 bilyon.

Kaya nga katulad nang sinabi natin, kailangan na lang makakolekta ang BoC ng P13-B para maabot ang 2020 collection target na P506.1 bilyon.

Hindi lang maaabot kundi malalampasan pa ni Commissioner Jagger ang 2020 revenue target.

Dahil sa magandang performance ng BoC, mahihirapan na ang mga kritiko ni Sir Jagger na kumbinsihin si Pangulong Rodrigo Duterte na palitan si Guerrero.

Wala silang bala para pasamain ang imahe ni Commissioner Guerrero.

At hindi nila basta mapapaniwala si Mayor Digong dahil kilala nito ang pagkatao ng dating hepe ng Armed Forces of the Philippines. .

Nagsasayang lang ng oras at laway ang mga naghahangad sa puwesto ni BoC Chief Guerrero.

***

Dalawamput-walong kilo ng agarwood na nagkakahalaga ng P2.8 milyon ang nasabat ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA.)

Nadiskubre ang kontrabando bago pa maipuslit palabas ng bansa.

Nakita ng mga taga-BoC-NAIA ang mga kontrabando sa loob ng isang warehouse sa Pasay City.

tatlong pakete ay idineklarang naglalaman ng face masks, damit, sapatos at leather jackets.

Ipinadala ng isang taga-Davao City, ang mga pakete ay papunta sana sa United Arab Emirates.

Natuklasan ang mga agarwood pagkatapos ng 100 percent examination sa mga pakete.

Sinabi ni NAIA District Collector Mimel S. Manahan-Talusan na walang export permit mula sa DENR ang kargamento.

Ang agarwood ay isang resin na kilalang may “distinctive fragrance.

Ito ay ginagawang insenso, pabango ng gamot.

Ang kahoy na ito ay matatagpuan lamang sa mga masusukal na forest sa Mindanao at Visaya.

Ang isang kilo ng agarwood ay nagkakahalaga ng P750,000.

***

Libu-libong tabletang Valium at Mogadon na nagkakahalaga ng P1.8 milyon ang nakumpiska ng BoC-NAIA.

Ang mga tableta, na highly regulated drugs, ay nahuli sa mga parcel sa Paircargo warehouse.

Ang shipment ay walang import permit mula sa PDEA gaya ng isinasaad ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Padala ng isang “Muztaza and brother” sa Pakistan, ang kargamento ay idineklarang naglalaman ng “health care products.

Mula Enero 2020, ang BoC, kasama ang PDEA at NAIA-IATG, ay nakasakote na 43 shipments ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P1.72 bilyon.

Pinuri naman ni NAIA District Collector Mimel Talusan ang kanyang mga tauhan at personnel ng PDEA at IATG sa maayos nilang pagtutulungan.

Huwag kalimutan na ang kampanya laban sa drug abuse ay priority program ni Pangulong Duterte.

Hindi makakaila na talagang malaki ang naitutulong ng BoC-NAIA para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga ipinagbabawal na droga.

Kaya nga patuloy ang pagsasanay ng mga tauhan ni Ma’am Mimel tungkol sa drug detection.

Keep up the good work mga kaibigan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )

Publication Source :    People's Tonight