Home>Editorial>Opinion>Walang kabusugan

Walang kabusugan

IBA rin itong si pulitikong ipinaglihi sa gluttony.

Masyado itong matakaw, masisira ang reputasyon ng mga masisiba kapag ikinumpara sa kanya.

“Mas masiba sa amin yan, huwag mo kaming ikumpara dyan!,” sabi ng isang buwayang nakasalubong ko sa sapa.

Taga-South ito na posibleng isusuka na ng kanyang kababayan sa 2022 election dahil nabisto na ang yumayaman lamang ay ang kanilang pamilya mula nang mapuwesto samantalang poorest of poor pa rin ang kanilang lugar.

Sa sobrang dami ng pera ng pulitikong ito, pati alon ng dagat ay kayang pigilan. Dami sigurong perang nakatago sa kanyang baul kaya iyong mahigit P100 million seawall project ng gobyerno ay inilagay sa tapat ng mansion niya.

Gawa ng kanyang paboritong kontraktor ang proyekto. Apat lang naman ang paborito niyang kontraktor, sila-sila lang ang nagpapalitan sa mga project dahil ito lang ang sumusunod sa gusto niyang komisyon.

Iyong isang kontraktor niya ay nabuking na ng Commission on Audit. Ang lahat pala ng buhangin na ginamit sa road project ay hinakot sa mismong dagat na katabi ng ginagawang kalsada. Hayun, parang buwan na butas-butas na ang main road pa naman!

Pareho na lang buwaya ang kontraktor na ito at ang pulitiko kaya nakakaawa ang mga mamamayan sa kanilang lugar. Lahat ng project puro substandard.

Tingnan niyo kung gaano katakaw si pulitiko, may isang P1.9 billion project sa kanilang lugar. Gusto niya, upfront, ibigay sa kanya ang P500 million or 35% commission para hindi niya tutulan ang proyekto.

Hindi pumayag ang nakakasakop na opisyal dahil tulay ang gagawin. Hindi po katulad ng road project ang bridge project na puwedeng tapyasan ng malaking komisyon ng mga tiwali.

Ang tulay, kapag ninakaw ang malaking bahagi ng pondo, maraming mamamatay dahil posibleng bumagsak kung substandard ang materyales. Ang kalsada, mas madali raw nakawan kasi masisira at magkakalubak-lubak lang, pero ang tulay at mga vertical structures ay big no no!

Pinag-initan na ni pulitiko ang opisyal at gustong ipatapon sa labas ng kanyang nasasakupan. Pambihira, siya na ang masiba, siya pa ang nagalit sa pumigil sa kanyang pagnanakaw sa kaban ng bayan! Buhay ka pa!

Paano kaya nakakatulog nang mahimbing ang pulitikong ito?

Kung may dapat sampalin si Pangulong Rodrigo Duterte, ito na sigurong si pulitiko ang kanyang unahin.

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV