Home>Editorial>Opinion>Walang mangyayari sa pagtanggi, Pres. Concepcion

Walang mangyayari sa pagtanggi, Pres. Concepcion

MAINIT” pa rin ang diskusyon hinggil sa desisyon ni DND Sec. Delfin Lorenzana, na “kalusin,” ehek, tapusin na ang ‘DND-UP Agreement of 1989.’

Sa ilalim ng kasunduan, “bawal pumasok” sa ano mang campus ng UP ang mga pulis at militar nang walang ‘prior consent’ ng UP management.

At siyempre, sa nakaraang higit na tatlong dekada, “tuwang-tuwa” ang mga prenteng organisasyon ng CPP-NPA dahil tuloy-tuloy lang ang kanilang ‘recruitment’ ng mga estudyante upang maging mga “kadre ng partido” at mandirigma ng NPA.

Dangan nga kasi, sa nagresultang sitwasyon, ang gobyerno (read: pulis at military), “bawal pumasok” sa UP, pero ang mga komunista, “puwedeng-puwede,” yeheyy!

At ewan lang natin kung nasa “huwisyo” o “nahihibang” ang ilan nating mga mambabatas, katulad na lang nitong si Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Ping Lacson?

Sa harap kasi ng nagdudumilat na katotohanan na ang ating mga unibersidad, sa pangunguna ng UP, ay naging “hulmahan” na lang ng mga terorista—at hindi ng mga tototong “makabayan,” aba’y gusto pang ipabawi kay Sec. Lorenzana ang kanyang desisyon at gusto pa nga nilang gawing “batas” ang pagbabawal sa gobyerno na pumasok sa sarili nitong “teritoryo,” katulad ng UP.

***

Na “nakasama” at walang idinulot na kabutihan ang UP-DND agreement ay pinatunayan ng may 18 estudyante ng UP na kung hindi namatay ay nahuli ng militar bilang mga kasapi ng CPP-NPA.

Na naging “pabaya” ang mga administrador ng ating mga eskuwelahan, hindi lang sa UP, ay pinapatunayan din ng ‘Silva Files’ ang mga dokumento na nabawi ng militar noong 2018 kay Adelberto Silva.

Si Silva ay kasapi ng ‘central committee’ ng CPP at pansamantalang naging CPP chairman noong 2014 hanggang sa kanyang unang pagkakahuli noong 2015.

Sa nabawing mga dokumento ng militar kay Silva matapos muling “matimbog” noong 2018, 38 mga kolehiyo at unibersidad sa buong Pilipinas—yes, dear readers, buong Pilipinas—ang matagumpay na napasok na ng CPP at ginawang ‘recruitment areas’ para sa partido at sa NPA.

And take note, lahat ng campus ng UP, may nagkakanlong na mga komunista, sakaling hindi mo pa rin ito alam, UP president Danilo Concepcion.

Sa harap ng ganitong ebidensiya at sa testimonya na rin ng mga dating taga-Peyups na sumuko o nahuli ng militar, mahirap paniwalaan ang patuloy na pagtanggi ni Pres. Concepcion sa problemang ito na ang palusot, ehek, ang ‘alibi’ ay ang isyu ng ‘academic freedom.’

Eh, bosing. Mas mainam siguro, “harapin” at “kilalanin” mo ang katotohanan na talaga namang naging “basehan” na ng mga komunista ang buong unibersidad mo, sampu ng iba pang mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa, hane?

Hindi kasi solusyon ang pagtanggi at pag-iwas, tama ba, mga kabayan?

At siyempre, hindi rin solusyon ang pagpipilit ni Pres. Concepcion at ng mga “windang” nating mga mambabatas, na “ibalik” ang itinapon, ehek, tinapos ni Sec. Lorenzana na kasunduan.

Hindi naman kasi isyu ang ‘academic freedom’ dito, mga bosing.

At ‘yang ‘academic freedom’ pa nga ang “inabuso’ ng CPP-NPA para magpalawak at magpalakas ng kanilang hanay.

O hindi pa rin ninyo alam yan?

Ang nakikita nating solusyon?

Eh, di, pagtuunan ng pansin ng UP ang responsibilidad nito na tiyaking ligtas ang lahat ng campus nito sa salot ng terorismo at krimen. At tiyakin na ang mga nagtatapos sa pag-aaral ay may marubdob na pagmamahal sa bayan at sa ating demokrasya,

Sabi pa nga ni National Artist for Literature F. Sionil Jose, ang tungkulin ng ating mga unibersidad ay maghubog ng mga ‘nationalist’ at hindi mga ‘communist’ (to produce nationalists, not communists).

Amen.

Publication Source :    People's Tonight