Walang panduduro kay Diokno sa Question Hour

December 15, 2018

MUKHANG damage control mode ang media handlers para ilihis ang atensyon ng publiko sa naglalakihang bilyun-bilyong pondo ng ilang  piling mga kongresista na nakakubli sa 2019 budget ng DPWH na pinahintulutan ng DBM.

Hindi natin maubos maisip kung papaano maduduro si Diokno, ang hari ng DBM, na siyang may kapangyarihan maglabas ng Notice of Cash Allotment (NCA) para mapondohan ang mga proyekto ng Gobyerno na nakalista sa GAA (General Appropriations Act). Kapag naantala ang NCA, mapupurnada na ang mga pangako ng Kongresista.

Ang Question Hour (Rule XVII ng 15th Congress at ipinatupad nuong 16th Congress at sinusunod ng kasalukyang 17th Congress)  ay ginawa para makuha ang paliwanag mula sa bibig ng miyembro ng Gabinete ng Administrasyon. Para maiwasan ang bulagaan, panduduro, panlalait at pag-grandstand ng mga kongresista, ang mga tanong ay kailangang nakasulat at ipapadala sa Ispiker isang araw bago ang nakatakdang pagharap ng Kalihim ng Kagawaran sa Kongreso.

Ang mga tanong na dapat ay batay sa katunayang pangyayari, ay humihingi ng dagdag na impormasyon o agarang hakbang o pagkilos ng Kalihim.  Bawal magtanong ng wala sa isinulat na mga tanong, hindi pwedeng makipagtalo o gumamit ng nakakainsultong pananalita o salaysay o pangungusap. Hindi rin pwede pag usapan ang mga sub judice na usapin o humihingi ng opinyon o di kaya ay tumatalakay sa mga bagay na nasa ibang kagawaran  o sa mga bagay na nasa tinatalakay sa ibang komite ng Kongreso. Bawal ang paulit-ulit na tanong na nasagot na ng kalihim. Basta lampas na dito ang tanong, pwedeng tutulan ang tanong at madeklarang “out of order” ang nagtatanong ng Ispiker.

Kung ang pakiramdam ni Sec. Diokno na siya ay pinahirapan ng mga kongresista tulad ni Kinatawan Nonoy Andaya, ang Majority Floor Leader na dating DBM Sec sa panahon ng Administrasyong Macapagal-Arroyo, wala siyang dapat sisihin kung hindi ang kanyang sarili. Hindi niya kayang bolahin ang lahat ng kongresista sa lahat ng pagkakataon. Nakahanap siya ng katapat. Hindi siya marahil naghanda sa mga tanong na ipinadala sa kanya ng mas maaga sa araw ng Question Hour.

Sa aking 15 taon karanasan sa Kongreso, ngayon  lang tayo nakakita ng bilyun-bilyon pondo ang pinayagan malagay ng DBM sa isang Distrito. Lahat naman ng Kongresista ay may sulat at lambing para madagdagan ang pondo para sa kanyang distrito. Ako ay naniniwala na hindi makatwiran ang equal sharing sapagkat may maliliit na distrito tulad ng Batanes (8,000 botante)  at Biliran (25,000 botante)  na kakaunti ang botante kumpara sa Caloocan (1st District 350,000 botante)  at Valenzuela (2nd District 175,000 botante) na sobra ang dami ng botante. Pabor ako sa equitable allocation batay sa pangmatagalan at  pang malawakang National Agenda ng Pilipinas.

Pero dapat itanong kung ano ang ginamit na pamantayan ng Committee on Appropriations, Ispiker, at DBM para aprubahan ang hiling ng kongresista. Ilan libong trabaho ang magiging bunga nito? Anong Sustainable Development Goals ang matatamo nito? At anong klaseng kaunlaran ang maidudulot ng  bilyun- bilyon pondo para sa piling distrito samantalang naiiwan ang maraming distrito? Kung walang ganitong pamantayan o standards, palakasan at paboritismo para sa mga sipsip sa Palasyo ang lalabas na dahilan. Ito ba ang pagbabagong pangako ng Administrasyong Duterte? Huwag nawang hayaan ng Pangulong Duterte na magamit ang pondo ng bayan para lang sa pangsariling interes ng mga pulitiko na sasabak sa 2019 subasta, este, halalan.