Walang Tubig!?!?!

March 16, 2019

WALANG dapat sisihin sa nagaganap na krisis sa tubig sa East Zone Water Service Area ng Metro Manila na tangan ng Manila Water na kontrolado ng Pamilya Ayala kundi ang MWSS , NEDA at Manila Water mismo at ang taong bayan na patuloy na bumoboto sa mga kandidato na hindi siniseryoso ang paghahanap ng solusyon sa problema ng climate change na nagdudulot ng malubhang tagtuyot at nakakalunod na baha  sa tag-ulan.

Ang Manila Water ay nagmungkahi na magkaroon ng isang bagong Water reservoir gamit ang tubig mula sa Laguna Lake subalit ito ay hindi inaprubahan ng MWSS . Pinaboran ng MWSS ang New Centennial Water Source-Kaliwa Dam na nagkakahalaga ng P12.2 Bilyon na uutangin sa China na nagpapataw ng 2% interes at gagawin ng isang Chinese contractor: China Energy Engineering Corp (CEEC). Sa taong 2023 pa ito matatapos. Ang magandang balita: Makapaghahatid ito ng dagdag na 600 milyon litro ng tubig sa Metro Manila. Ang masamang balita:  5 taon pa bago matapos ang Kaliwa Dam.    Habang hinihintay matapos ito, kailangan kumilos ang Manila Water at MWSS na gumawa ng mga short term solusyon sa susunod na limang  taon. Hindi makakalimutan ng 1.2 milyon Pilipino na nagtitiis ngayon na walang paligo dahil sa kapabayaang ito ng MWSS at Manila Water.

Sa kabila nito, nabalitaan ko na ang Manila Water ay malaki ang kinita at nagpasyang magbigay ng cash dividend  para sa unang anim na buwan ng taon sa halagang P.0.4551 kada share. P939 milyon ay ilalabas sa Marso 28 para sa first tranche at ang huling tranche ay sa Oktubre ilalabas (Victor Agustin; Money-Go-Round, Marso 15, 2019, Philippine Star). Hindi kaya nakokonsensya ang mga shareholders ng Manila Water na maliligo sa pera samantalang nanglilimahid at bumabaho ang 1.2 milyon Pilipino sa East Zone Water Service Area ng Metro Manila?

Natutuwa ako at kami ay nakatira sa West Zone Water Service Area na hawak ng Maynilad na kontrolado ng DMConsunji Group at Metro Pacific Investment Group ni Manuel Pangilinan. Bagamat parehong nagmumula sa La Mesa Water Reservoir ang pinagmumulan ng tubig ng Manila Water at Maynilad, nakapagtataka dito ay bakit ang East Zone lamang ang nakakaranas ng kawalan ng tubig. Marahil ito ay dahil pinaghandaan ng Maynilad ang pagdating ng ganitong ganti ng kalikasan sa mga lumalapastangan sa kanya. Nag ubos ng pera ang Maynilad para palawakin ang water infrastructure nito. Nagpatayo sila ng maraming maliit na water reservoirs, deep wells at water impounding area ng tubig mula sa Laguna Lake.

Dapat ngayon pa lang ay magbuo na nang mga long term solusyon ang MWSS, Manila Water at Maynilad para matigil na ang paulit-ulit na krisis sa tubig.

Kailangan paramihin ang mga pagkukunan ng tubig at ng maawat na ang Metro Manila na umasa lang sa tubig mula sa Angat at Ipo Dam at Lamesa Reservoir. Magpatayo ng mga monkey cheeks na inimbento ng Hari ng Thailand. Ito ay mga water impounding catch basins na nakatutulong na hindi bahain ang Bangkok sa panahon ng tag-ulan at nagagamit ang tubig sa panahon ng tag-init.

Ayusin na rin ang gusot sa Wawa Dam Project na matagal nang nakabinbin.  

Liban pa sa “ grey infrastructure “ tulad ng mga dam, water reservoirs at treatment plants, umpisahan na rin ang “green infrastructure.” Ang pagkakaroon ng mga planta ng desalinasyon ay mahalagang maipatayo lalo na at ang Pilipinas ay napapaligiran ng dagat. Maraming lugar sa Visayas at Mindanao ay pinasok na ng ReliefWeb na nagtuturo paano gumawa ng “Desalination Pyramid” na wala pang P500 ang isa. Mula sa maalat na  tubig dagat, makakapagbigay ito ng 3 litro ng tubig araw-araw at ang asin na nahihiwalay sa tubig ay maaaring gamitin sa pagluluto. ( https://reliefweb.int/report, binuksan ko Marso 15,2019).

Napakahalaga ng tubig sa pag-unlad ng isang bansa.  Ayon sa Water.Org, para  sa atin 101 milyon Pilipino, 9 milyon o halos 10 % ay umaasa sa tubig mula sa mga hindi tiyak na malinis na water source. 19 milyon naman ay walang maayos na palikuran.

Ang mga pamilya na walang mapagkunan ng malinis na tubig sa kanilang mga tahanan ay umuubos ng mahaba at mahalagang oras at lakas para lang umigib ng tubig.

Ang mga walang malinis na palikuran sa tahanan  ay napipilitan lumabas sa gabi para dumumi sa isang kasilyas na tinabingan lang ng sako. Maraming bata nagiging “constipated” dahil sa takot sa dilim o di kaya ay sa ahas, bubuli o palaka na nakaabang sa palikuran. Nakakahiya  di naman kaya ang isa pang maaaring gawin, makigamit ng kasilyas ng kapitbahay.

Samakatuwid , ang mga tao na walang pases o daan para makakuha ng malinis na tubig ang siyang gumagastos ng malaki para makuha ito. Kaya nga may mga water loan ang water.Org para makabitan ng linya ng tubig ang mga bahay sa malalayong lugar para maikonekta sa isang lokal na water utility. Ang dati-rating U$60 ginagastos ng isang pamilya sa pag-igib ng tubig ay bumababa sa U$9.50 at nagagamit ng pamilya ang balanseng U$50.50 para sa iba pa nilang pangangailangan tulad ng pagkain at gamot.

Ang krisis sa tubig ay dapat kabisado at seryosohin ng mga susunod na Presidente, mga senador at kongresista para makabuo ang pamahalaang nasyonal ng isang komprehensibong plano na magbibigay lunas sa krisis. At higit sa lahat, kailangan itong maipatupad sa lalong madaling panahon.