Wanted: Henerasyon ng mga walang bisyo

KUNG ikukumpara sa mga mas may pera, mas maraming mga mahihirap ang mabisyo.

Itong pagtataas ng buwis sa alak at sigarilyo  ay humudyat sana ng mas mababang konsumo ng bisyo sa mga class CDE population.

Hindi ko nga alam kung bakit nagagawa pang magbisyo ng marami nating mga kababayan na halos wala pa sa minimum ang kanilang suweldo.  

Pansinin nyo ang umpukan sa mga construction site, iyong mga lowest rank ang palaging nasa gilig-gilid para manigarilyo. Sa mga call center naman na bagama’t mas mataas sa minimum, sila rin ang makikita mong nasa   mga yosi area na nagpapagandahan ng hugis ng kanilang ibinubugang usok.

Ang dalawang pangkat na ito rin ang madalas mong makikita na nag-iinuman na parang wala nang bukas. Sa construction site, magkatitigan lang ang iba sa kanila, magsisimula na ang gin-calamansi session.

Hindi naman masama ang paminsan-minsan ay nagre-relax. Iba iyong relaxation, iba rin araw-araw na sesyon!

Malaki ang problema ng gobyerno sa pagpapagamot sa maraming Pilipinong nagkakasakit dahil sa bisyo. Noong 2017, gumastos ang Philippine government ng mahigit P700 bilyon. Aabot sa 8% ng national budget ang kailangang gastusin ng pamahalaan sa mga tinamaan ng sakit sa baga at iba pang karamdaman dahil sa bisyo gayong puwede pa sanang magamit ang pondo sa ibang pangangailangan.

Dito sa pagtataas ng buwis sa bisyo o iyong tinatawag na sin taxes, masasabi nating double edge ang batas na ito. Lalaki ang koleksiyon ng gobyerno sa pagkonsumo ng mga Pilipino sa tabako at alkohol pero karamihan sa mga kikitain dito ay gagamitin na  sa Universal Health Care Law.

Magmula ngayong 2019 hanggang 2023, aabot na sa P300 plus ang presyo ng isang kaha ng sigarilyo na tiyak na masasaktan ang mga mabisyo na wala namang  pangbisyo.

Kung maaga lamang nating imumulat ang mga anak natin sa masamang dulot ng bisyo, mas magiging magaan ang pasanin ng gobyerno. Ang problema kasi natin, iyong tatay at nanay na inaasahan mo sanang magtuturo  sa mga anak ay malakas ding magyosi at  matinding lumaklak ng alak.  

Ang totoo, hindi naman mahirap isipin na masama sa katawan ang yosi at alak. Aminado ako, umiinom ako ng beer pero masyadong madalang pa sa patak ng ulan. At kung iinom man ako, tiyak na ang maximum level ko ay dalawa hanggang tatlong bote lamang.

Ang good side dito,  hindi ako umiinom ng alak hanggang hindi ako naka-graduate sa college. Sa gabi ng aling graduation, doon lang ako uminom ng isang bote ng beer dahil  ipinangako ko sa aking sarili.

Pero ang yosi, hindi ko tinangkang subukan kahit kailan. Ang kapatid kong lalaking  panganay at ang aking tatay na pareho nang sumakabilang buhay dahil sa alak at sigarilyo.

Inaral kong mabuti ang pag-iwas sa mga bisyong ito kaya puwede kong sabihin na hindi ako kasama sa problema ng gobyerno sa kanilang health budget.

Masyado nang maraming problema ang gobyerno kaya dapat ang bawat isang Pilipino ay marunong tumulong sa pamamagitan ng pagpagaan dito.

Iyong mga nakikita nating pakalat-kalat na mga kabataan na umiinom at nagyoyosi, sila na ang mga susunod na problema ng estado kung hindi natin sila kokontrolin ngayon pa lang.

Sabi nga ni Pareng John F. Kennedy, ask not what your country can do for your but what you can do for your country!

Maging bahagi tayong lahat ng nation building sa pamamagitan ng paglikha ng isang henerasyong walang bisyo.
allanpunglo@gmail.com