‘Watchlist’ ginawa na ring ‘raket?’

November 23, 2018

BAGO ang lahat, binabati muna natin ng mainit na ‘Happy Birthday!’ si kasamang Pablo ‘Pabs’ Hernandez, NPC regular member at kolumnista ng pahayagang ‘Bulgar.’

Aber, kung hindi pa sa ‘FB post’ ni ‘Boss’ Joey Venancio, hindi pa malalaman ng buong mundo na ‘celebrant’ pala siya noong Huwebes, hehehe!

‘Yun nga lang, Pang. Almar Danguilan ng QCPD Press Corps (belated happy birthday din, brod!), hindi man lang natin “naramdaman” ang pagdiriwang nitong si Pabs hindi ba, kaya… “magpauga” ka naman sa NPC, brod, hehe! Muli, mainit na pagbati!

* * *

Kahapon, habang abala tayo sa ginagawang ‘bloodletting campaign’ ng NPC at Phil. Red Cross (PRC) bilang aktibidad sa madugong ‘2009 Ampatuan Massacre’ kung saan 34 sa 58 biktima ay mga “kapatid” natin sa media, dumating sa NPC si Mrs. Rubylin dela Cruz, matapos ang higit na tatlong  biyahe mula sa kanilang bahay sa Baras, Rizal.

Kasama ang kanyang dalawang paslit na anak, “lumuwas” ng Maynila si Rubylin hindi para maging ‘blood donor,’ Rizal PD Louie Evangelista at Calabarzon RD Edward Carranza.

Hindi natin kilala, dear readers at PDEA spokesman Derrick Carreon, itong maybahay ng isang OFW na nagtatrabaho sa UAE, bagaman kahit paano ay natutuwa tayo dahil sa NPC siya nagdesisyon na humingi ng “payo” at “alalay.”

Lumuwas si Rubylin dahil ayon sa kanya, “pinag-iinitan” umano siya ngayon ng ilang pulis sa Baras PNP dahil sa “sulsol” ng ilang kapitbahay (ang isa umano, itong si ‘Helen,’ ay  “asawa” ng pulis) at ng isang ‘civilian asset’ (Tirso Corpuz) na “pasok” siya sa ‘illegal drug trade.’

Ang siste kasi, isa niyang kaibigan at kapitbahay ang “minalas” na maging asawa ng isang “adik” na nakulong noong Enero subalit “nakalaya” na umano ngayon; sa panahong “nakatangkal” ang kumag, kasama umano siya ng kanyang kapitbahay kapag dumadalaw sa kanyang mister.

Posibleng kasama na dito ang “inggit,” mga kabayan kaya siya “sinisiraan” ng iba niyang kapitbahay, hindi ba?

Subalit, ang nakababahala, PDEA DG Aaron Aquino at Chief PNP Oscar Albayalde, eh, matapos umanong “kumalat” na ‘involved’ siya sa ‘illegal drug trade,’ kung gusto niyang magkaroon ng “katahimikan,” “makipag-areglo” na lang siya dito kay Corpus at sa ‘handler’ nito sa Baras, PNP, sanamagan!

Unang nalaman ni Rubylin ang ginagawang “paninirang-puri” sa kanya noong Hulyo at para lang mapasubalian ang bintang, agad siyang ‘nagpa-drug test’ sa ‘Asher Drug Testing Laboratory,’ isang DoH-accredited laboratory’ sa Antipolo City noong Hulyo 30.

Ang resulta? “Negative.”

Dinala rin umano niya ang resulta sa Baras PNP kung saan batay umano sa pakikipag-usap niya sa ‘OIC-COP’ doon, sinabi pa umano na “wala” naman siya (hindi kasama) sa kanilang ‘watchlist of drug personalities’ kaya “magaan” na ang kanyang kalooban ng umuwi ng kanyang bahay.

‘Solved’ na ba ang problema, dear readers?

Ito rin ang iniisip ni Rubylin subalit hindi pa pala -- at mukhang “lumulubha” pa ang sitwasyon para sa kanya.

Dangan kasi, nalaman niya sa isa pang kapitbahay na sa ngayon, sa kabila ng “pagtitiyak” (assurance) ng COP ng Baras na wala siya sa kanilang watchlist at sa kabila pa rin ng negatibong resulta ng kanyang drug test, mga pulis-Baras na umano ang “nagtatanong” kung siya ba ay isang “adik” o isang “pusher.”

At siyempre, muling nakarating sa kanya ang “pasabi” na “makipag-areglo” na lang siya, tsk, tsk!

Translation? ‘Harassment’ ito at malinaw na ‘blackmail’ ng ilang tiwaling operatiba ng PNP, hindi ba, mga kabayan?

Marahil, dahil nga OFW ang kanyang mister, “iniisip” ng mga “kriminal-na-pulis” na “puwede” siyang ‘i-blackmail?” ‘Vulnerable’ kasi itong si Rubylin sa pananakot dahil nga mag-isa lang siya at nasa malayong lugar ang kanyang mister.

At may hinala tayo na hindi lang si Rubylin ang may ganitong karanasan, tama ba, mga kabayan?

Dangan kasi, “maiisip” bang gawin ng mga tiwali sa PNP at kanilang mga ‘asset’ ang ganitong kriminal na sistema kung hindi nila ito dati nang ginagawa, aber?

Kaya sakaling biglang “bumulaga” sa mga balita sa mga darating na araw na isang ‘drug suspect’ ang nahuli (at kapag minalas ay “napatay”) ng mga pulis-Rizal sa isang ‘anti-drug operation,’ sa pangalang ‘Rubylin D. Dela Cruz, eh, alam na natin ang “totoong istorya” -- ‘na set-up’ siya, tama ba, CHR chairman Chito Gascon?

Huwag naman sanang mangyari.

Abangan!