Winford Hotel, modelo sa disaster response

NASA Winford Hotel ako sa Maynila nang lumindol.

Dadalo ako sa isang event ni Mayor Estrada. Mas maaga ako sa itinakdang oras kaya inabot ko pa ang snack buffet ng Winford. Hanggang alas singko ng hapon lang pala ang snack buffet pero naroon ako ng 4:56 p.m. pero pinayagan nila akong kumain kasi natakam ako sa mga nakahain.

Parang P250 lang ang buffet nila na kumbinasyon ng lugaw, dinuguan, halo-halo, sago’t gulaman at turon. Marami pang ibang food pero hindi ko natikman dahil sa lindol.

Matindi rin ang pagyanig sa Winford kaya pinalabas lahat ng guests, kasama na ang mga naka-check in.

Ang totoo, hindi naman food review ang ating paksa.

Kasama ako sa mga pinalabas kaya natigil ang pagmemeryenda ko. Nakita natin ang mga guest na walang tsinelas, mga nakahubad pang-itaas ng lalaki, mga nakatapis at may mga naka-wheel chair pa.

Sa gitna ng chaotic situation, makakakita ka rin talaga ng mga positibong anggulo na puwede mong hugutan ng inspirasyon. Habang nasa labas ang lahat ng guests, natuwa tayo sa ating nakitang ginagawa ng mga staff ng Winford Hotel.

In full force ang kanilang rescue team, paramedics, marshalls at mga officials  ay abala sa pag-alalay sa mga tulirong guests. May mga staff silang nagbibigay ng bottled water, may mga nag-aasikaso sa mga disabled, may mga nurse na nagtse-check ng blood pressure ng mga matatanda.

Para akong nakakita ng earthquake drill na synchronized ang kilos ng mga staff ng Winford. Ibig sabihin, malaking bagay ang ginagawa ng gobyerno na earthquake drill dahil tumaas ang awareness ng mga tao sa peligro.

Hindi natin ikinatutuwa ang nangyaring lindol pero sumaya ang puso natin sa ginawa ng mga staff ng Winford. Maayos din ang kanilang evacuation system at ang mga security guard and security staff ay may sistemang naipatupad na hindi lilikha ng gulo.

Gusto nating papurihan ang management and staff ng Winford dahil sa nakita nating maayos na security, evacuations and systemic assistance na ginawa nila.

Siyanga pala, kaya ko nalaman kung magkano ang snack buffet nila, habang nagkakagulo palabas, nag-iwan ako ng P1,000 sa isang waiter para mabayaran ang aking kinaing lugaw, tokwa’t baboy at halo-halo.

Nang humupa ang sitwasyon, bumalik ako sa restaurant nila sa lobby para inumin ang naiwanan kong tubig. Doon nila ibinigay ang aking sukli, sa kalituhan, hindi ko maalala kung magkano P850 or P750 ang nakuha kong sukli pero nag-iwan naman ako ng P100 na tip dahil maayos din ang mga service crew and restaurant manager.

Hindi ba’t nakakatuwa sa Winford? Pati sukli, balik din sa normal sa paghupa ng lindol.

Isa pang catch, inalok pa ako ng libreng dinner buffet dahil sa tingin nila bitin ang nakain kong meryenda. Pero nabusog naman ako bago lumindol kaya hindi ko na rin pinatulan ang libreng hapunan.

Mabuhay ang management and staff ng Winford Hotel, sana’y maging modelo kayo ng lahat ng kompanya sa disaster response!

allanpunglo@gmail.com