Work ethics: Erap vs Isko

January 16, 2019

GUSTO sana nating paniwalaan ang mga propagandista ni Isko Moreno sa pagbebenta sa kanyang kandidatura sa pagka-alkalde ng Maynila kaya lang mukhang katulad din niya ang mga nakukuha niyang PR na walang kredibilidad.

Una, dapat palang matakot kay Isko ang mga kawani ng Maynila dahil plano pala nitong ipagiba or i-convert into museum na lamang ang kasalukuyang city hall.

Parang ganoon kadali sa kuwentuhan pero sa totohanan, noong bise alkalde si Isko, wala naman itong markadong nagawa maliban sa eskandalo ng telco transmitters bilang presiding officer.

Ang isa pang alam natin na imbento at mukhang wala talagang alam sa nangyayari sa Maynila si Isko dahil sa mga isinusulat ng kanyang mga propagandista.

Ang sabi ng PR ni Isko, mahina na raw si Mayor Erap kaya hindi na ito nakakapasok sa city hall.

Dito alam mo nang may maisulat lang dahil kung mayroon ka mang mapupuri kay Mayor Estrada iyon ay ang pagiging masipag magtrabaho. Nakakagulat din ang work ethics ni Mayor Estrada kung ikukumpara sa ibang alkalde.

Hindi alam ni Isko na madalas, alas-nuebe or alas-diyes ng umaga araw-araw ay nasa city hall na si Mayor Erap. Kapag umabot ng alas-onse hanggang ala-una ang pagpasok ni Erap sa city hall, tiyak na nanggaling sa mga medical mission, mga meeting or sa mga serbisyo caravan.

Sa madalas na pagkakataon, alas-siyete na ng gabi lumalabas ng city hall si Mayor Estrada dahil sa dami ng kamiting sa opisina niya at dahil sa tambak na pinipirmahan na mga dokumento.

Ubos na lahat ng empleyado ng city hall, naroon pa sa kanyang opisina si Erap.

At alam kaya ni Isko na minsan, kahit Sabado ay nasa city hall si Mayor Erap kapag kailangan niyang tapusin ang mga documents for signatures at kailangang mag-iinspeksiyon ng mga proyekto niya?

Araw ng Sabado nang mag-inaugurate si Mayor Erap ng Vitas Sports Center at ilang beses nang declared official holiday pero nasa Tondo or Baseco compound si Erap para magpasinaya ng mga projects.

Magtataka ka nga dahil sa edad ni Mayor Erap, parang kabayo pa rin siya magtrabaho na hindi nakita ng mga taga-Maynila kay Isko noong bise alkalde pa siya.

Dahil kandidato si Isko sa pagka-alkalde, kung anu-ano na naman ang ipinapangako sa mga botante pero noong nakaposisyon, wala namang nagawang mabuti para sa mga mamamayan ng lungsod.

Kapag kaya na ni Isko na magtrabaho ng maghapon at inaabot ng gabi sa city hall na katulad ni Erap, baka mapaniwala pa niya ang mga taga-Maynila na puwede siyang mag-mayor.

Pero hangga’t puro bola lang ang kaya niyang gawin, ang tanging masasabi ko ay... alam na po namin ’yang style mo.

Mapagmahal kayo sa mga mamamayan kapag kumakandidato pero kapag nasa puwesto, ubod naman ng batugan at bolero!

allanpunglo@gmail.com