World Cancer Day 2019

February 02, 2019

ANG World Cancer Day ay natapat sa ika- 4 ng Pebrero upang itanghal ang katotohanan na ang pagkakaroon ng “cancer” ay hindi nangangahulugan ng tiyak na kamatayan sapagkat may kakayanan  at pagkakataon ang mga pamahalaan at ang mga tao na  maibsan ang bigat ng pagkakaroon ng cancer at pataasin ang porsiyento ng makaligtas at gumaling sa cancer  at mapanatili ang kalidad ng buhay ng mga taong may  cancer.  Pinagtibay ang isang resolusyon ng WHO o World Health Organization na sinang-ayunan ng mga miyembrong estado na dapat maging masigasig sila sa pagpapatupad ng isang road map na may “integrated approach” sa paglaban sa cancer. (WHO A70/A/CONF./9). Nakapaloob dito ang mga hakbang para makaiwas sa cancer, matuklasan ito hanggang maaga, maghatid ng abot kaya at  napapanahong gamutan at pag-aalaga sa mga taong malubha na ang cancer.

Batay sa pandaigdigang datos mula sa WHO, cancer ang pangalawang sanhi ng kamatayan sa buong daigdig. Mayroon 9.6 million ang namatay sa cancer nitong  2018.   Lumalabas na isa sa anim na tao ang namamatay sa cancer. Tinatayang 70% ng namatay sa cancer ay mula sa mga low at middle income na bansa,  kabilang na dito ang Pilipinas. 1/3 ng namatay sa cancer ay dulot ng limang mapanganib na gawi at diyeta: ang mataas na body mass index o katabaan, kulang na pagkain ng gulay at prutas, kulang ng pisikal na kilos, paninigarilyo at pag-inom ng alak.  22% ng namatay sa cancer ay nagsigarilyo.  Nagbibigay din ng impeksyon ang cancer tulad ng hepatitis at HPV (Human Papilloma Virus) na sanhi ng 25% ng namatay sa cancer mula sa mahihirap at Middle Income na mga bansa.  Ang huling pagkadiskubre ng cancer at kulang na pathology units ng pampublikong ospital ang isa pang dahilan kung bakit marami ang namamatay sa cancer.  90% ng mga pathology units na dalubhasa sa pagdiskubre at  paggamot sa cancer ay matatagpuan sa mayayamang bansa subalit ito ay 26% lamang sa mga  mahihirap na bansa. Ang  cancer sa baga, suso, colorectal, prostrate, balat at tiyan  ang may pinakamaraming kaso ng cancer. Mula sa listahang ito, ang mga cancer na nagdulot ng mataas na bilang ng kamatayan ay sa baga,  colorectal, tiyan, atay  at suso.

Inilista na ng WHO kung ano ang mga dapat iwasan: paggamit ng sigarilyo, pati smokeless tobacco, sobrang katabaan, kulang sa ehersisyo, kulang sa pagkain ng gulay at prutas, sobrang pagbibilad sa araw at ionization radiation  at pag-inom ng alcohol.

Sinabi  ni Dan Buettner, isang longevity coach, na ang  mahabang  buhay ay  10% minamana sa dugo ng magulang samantalang 90% ay galing sa gawi o kilos at diyeta ng tao.

Mayroon siyang tinukoy na 5 Blue Zone sa buong mundo kung saan ang mga taong nakatira dito ay kadalasan ang edad ay 90 pataas bago mamatay.  Sardinia, Italy; Okinawa, Japan; Loma Linda,  California, USA; Ikaria,  Greece  at  Nicoya, Costa Rica.

Sabi ni Buettner, may mga 9 na ugali o gawi ang mga tao sa Blue Zones na ito na nagpapahaba ng buhay. Ilan dito ang mga sumusunod: bagamat walang ehersisyo tulad ng pagkaintindi natin na nagpupunta sa gym at nag- jojogging, ang mga bahay at buhay nila ay nakadisenyo para sila ay kumilos at gumalaw. Lakad, panik-panaog sa hagdan, bisikleta. Mayroon silang “ikigai” na salitang Hapon na ang ibig sabihin ay ang dahilan bakit kailangang gumising sa umaga. Ang pamilya ang sentro ng buhay at pag -aalaga sa mga matatandang magulang ay kabilang dito,  at higit sa lahat ang pagiging madasalin dahil nakatira sila sa isang faith-based na pamayanan na nakapag-aalis ng stress.

Kumakain sila ng karne subalit mas maraming gulay at prutas ang kadalasan kinakain nila.

Ang ganitong lifestyle ang nagpapahaba ng buhay at nakapagdaragdag ng taon sa isang dekalidad na buhay.  Ito rin ang
lifestyle na kailangan para maiwasan ang cancer.

Ang Kongreso ay naglabas ng mga batas para mabawasan ang cancer sa bansa.  Inumpisahan ko ito sa RA 9211 o Tobacco Advertisement Regulation Act na ako ang pangunahing may akda,  na pinagbabawal ang lahat ng uri ng advertisement ng sigarilyo sa radio, TV, pahayagan, cinema at mga outdoor advertisements para hindi maakit ang kabataan na manigarilyo dahil pinalalabas ng mga advertisement na popogi ang mga nagsisigarilyo at nagugustuhan ng magagandang babae. Sinundan ito ng RA 10643 na pinapalagay sa mga kaha ng sigarilyo ang mga graphic health warnings tulad ng mga larawan ng mga may sakit sa baga, bunganga, dila, at lalamunan para magsilbing babala na nakamamatay ang paninigarilyo.   

Pinalabas din ang RA 10963 o TRAIN law na nagpataw ng dagdag na excise tax sa sigarilyo at alcohol.

Mainam ang mga patakarang ito. Subalit marami pang dapat gawin ang pamahalaan para mapababa ang bilang ng mga namamatay sa cancer. Ang mga budget insertions ng mga senador at  kongresista ay dapat tapyasin para makapagpatayo ng mga pathology units sa lahat ng tertiary level public hospitals sa lahat ng rehiyon ng Pilipinas. Mahirap magkasakit ng cancer. Tinataya na ang taunang negatibong epekto nito sa ekonomiya ay US1.16 Trillion.  Maawa tayo sa mga mahihirap na pamilya na nawawalan ng tatay, nanay, kapatid o anak dahil sa cancer. Huli na nang matuklasan ang cancer dahil walang ospital na may sapat na kakayanan madiskubre at magamot ang cancer. May 200 bilyon ang suma tutal na budget insertions ng mga mambabatas. Maraming pathology units sa mga ospital ang kayang ipatayo nito. Sayang ang pera ng bayan na nilulustay sa pagpapagawa at pagpapagara lang ng basketball court.  Palitan na natin ang ganyang uri ng mga senador at kongresista na  cancer  ng lipunan sa darating na halalan.