Home>Editorial>Opinion>Yes, nakikinabang ako sa Duterte administration!

Yes, nakikinabang ako sa Duterte administration!

AMINADO naman tayo na hindi perpektong lider si Pangulong Rody Roa Duterte.

Katulad din nating lahat, marami tayong pagkukulang, may mga mali tayong desisyon, may mga kahinaan, may mga bagay na hindi katanggap-tanggap sa iba ang ating ginagawa. Ang importante lang naman, iyong sinsiridad.

Una kong nakaharap si Mayor Rody pa noon sa Samal Island, mga June 2015. Kasama ang malapit at trusted aide niya ngayon ay Senador Bong Go, ang pinsan/bff at all time trusted niya na hindi ko na papangalanan at isa pang malapit naman na kaibigan ko na hindi ko na rin tutukuyin.

Wala pang naniniwala kay Mayor Rody na isang araw ay magiging Pangulo siya. Baka ako pa lang noong mga panahon na iyon at ang kanyang bff na kalaunan ay nagpagawa sa akin ng “bangaw” political ad for television. Apat na TV ads at isang radio ad ang nagawa ko para kay Mayor Rody na ang naging talk of the town ay iyong bangaw at bowling ad.

Fast forward, nagkita na lang ulit kami ni Mayor Rody sa Malacanang na Presidente na siya dahil naimbitahan ako sa inauguration niya at sa unang dinner matapos ang kanyang State of the Nation Address.

Habang kumukuha ng kanyang pagkain sa Bahay Malago buffet table si Presidente, inilapit ako ni Bong sa kanya: “Boss si Allan Encarnacion, iyong gumagawa ng bangaw ad natin,” sabi niya kay Presidente.

Ngumiti si Pangulo, tapos niyakap ako na para fraternity hug: “Salamat Allan.

Iyon na ulit ang huli kong pagdikit kay Presidente bagama’t may mga okasyon akong nadadaluhan na naroon siya at si SAP Bong Go.

Ang tanong, pagkatapos ng mahigit apat na taon sa pagiging Pangulo, nagsisisi ba ako or nagbago man lang ba ang pagsuporta ko kay Mayor Rody? Ang sagot ko ay hindi. Ang totoo, sa laki ng problema ng bansa na dinatnan ni Mayor Rody bukod pa ang dumagan sa buong mundo na pandemic, mas naging matindi ang pagsuporta ko sa kanyang liderato.

Ang tanong, nakikinabang ba ako sa Duterte Presidency? Ang sagot ay oo, nakikinabang ako kasi nawala na ang akyat bahay sa amin, nawala na rin ang mga gumagalang drug addict at holdaper sa amin.

Maganda ang sitwasyon ng peace and order sa amin at ramdam ko ang gobyerno saan man ako lumingon sa amin.

Nagkaroon na rin ng malaking pagbabago sa traffic ng Edsa at sa ibang main road sa Metro Manila. Sobrang daming infrastructure projects ang araw-araw ay pinagagaan ang buhay ko sa biyahe dahil sa liderato ni Presidente Duterte.

Mayroon na ring Skyway kaya mula sa amin sa Mindanao Avenue, Quezon City hanggang Tagaytay City nakakarating sa loob ng isang oras at beinte minutos. Malapit na ring gumana ang MRT 7 at ang Cavite LRT extension ay magbubukas na rin.

Sobrang laki ng pakinabang ko sa Duterte administration kaya hindi ko pinagsisisihang sinuportahan ko siya noong 2016. Ang palaging tinatanong ng aking mga kaibigan, bakit hindi ako nabigyan ng appointment sa Duterte administration gayong madali naman sana para sa akin?

Or baka mas politically correct na tanong, bakit hindi ako humingi ng appointment? Hindi ako nahihirapang sumagot sa ganitong tanong kasi ang totoo, hindi naman ako interesadong ma-appoint.

Masaya na akong minsan ay nakapagpakakape sa Malacanang pero hanggang doon na lang. Kuntento naman ako sa walang posisyon sa gobyerno kasi mas komportableng kumilos.

May mga iba pang tanong sa akin, lahat daw ba ng ginagawa ng Pangulong Duterte ay suportado ko? Ang sagot ay hindi. Katulad ng binanggit ko, hindi naman perpektong Pangulo si Mayor Duterte.

May mga desisyon din siya na hindi ko gusto, lalo na iyong pagpapanatili niya sa ibang opisyal na bulok naman ang pamumuno. Pero hindi naman sapat iyon para abandonahin ko siya, lalo na ngayong nilulumpo tayo ng COVID virus.

Hindi madali ang termino ni Duterte mula pa noong 2016 kasi maraming sakit ng ulo ang kanyang dinatnan. Sa laki ng problema ng bansa ngayon, walang dahilan para magbasagan pa tayo ng mukha.

Mas kailangan nating suportahan ang gobyerno para mas magaan nilang nahahanapan ng solusyon.

Siyanga pala, happy bday President Rody Roa Duterte!

Wala po ba tayo dyan kahit pomelo at durian? allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV