‘Zero backlog’ ng DAR, ‘hustisya’ sa mga farmers

February 21, 2020

SA rami ng mga batikos na inaabot ng gobyerno ni Pang. Rody mula sa iba’t-ibang grupo, partikular sa hanay ng mga komunista at mga “kagrupo” nilang mga “Dilawan,” hindi nakapagtataka na ang mga “magagandang ginagawa” ng kanyang administrasyon ay palaging “natatabunan” o kaya naman ay sadyang hindi binibigyan ng pansin.

Halimbawa na lang ay ang usapin ng ‘human rights’ at ‘social justice’ kung saan para sa mga kritiko, “wala” nang ginawa hinggil sa mga mahahalagang usapin na ito ang gobyernong Duterte kung hindi gawin na “masahol” pa ang sitwasyon sa ngayon.

Kaya nga hindi na rin tayo nagtataka na sa usapin ng repormang agraryo, mistulang “sinadya” ng ilan nating mga kasama sa media ang “makasaysayan” (historic) na nagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa pangunguna ng ating kaibigan na si Sec. John Castriciones.

Aber, hindi ba talagang ‘historic’ na sapul nang magkaroon tayo ng DAR (Land Tenure Administration, LAT, noong 1955, sa termino ni Pangulong Ramon Magsaysay), at sa libu-libong mga kaso at usapin na hinawakan nito hinggil sa repormang agraryo, eh ‘zero backlog’ na ito ngayon?

Yes, Jose, “malinis” na ang ‘record’ ng DAR sa ngayon, dahil na rin siyempre sa mahusay na pamumuno ni Sec. John.

At marahil, dahil nga talagang ‘good news’ ang bagay na ito, na malaking sampal sa paninirang-puri ng mga galit sa administrasyon, kaya parang ‘allergic’ ang ilang sektor ng midya na ipalaganap ito sa publiko?

Sa kanyang ‘guesting’ kahapon sa ‘NPC Meet the Press/Report to the Nation’ media forum, ibinida ni Sec. John na ‘100 percent’ na naresolba ng DAR ang 4,401 mga usapin sa repormang agraryo sa 15 rehiyon ng bansa.

Sa rekord pa rin ng DAR, may “inabutan” si Sec. John na 5,430 kaso na nakabimbin nang magsimula ang gobyernong Duterte noong 2016 kung saan bumaba ang bilang sa 4,041 sa pagpasok ng 2019.

Ang bilang na ito ang tuluyang “tinuldukan” ng DAR sa pagsisimula naman ng taong kasalukuyan.

Ang magandang ‘performance’ ng DAR sa mga rehiyon ay “tinapatan” naman ng DAR Central Office kung saan ‘100 percent’ din ang naging resolusyon sa “natengga” dito na 1,445 mga kaso.

* * *

Ang usapin ng repormang agraryo (land reform) mga kabayan, ay hindi lang simpleng usapin ng “kabuhayan,” bagay na alam din naman ni Sec. John.

Higit sa “pagkalam ng sikmura,” ang isang tunay na repormang agraryo ang pangunahing sagot ng pamahalaan sa mas malalim na problema ng katarungang panglipunan (social justice).

Ganun ba yun, tanong ba ninyo, dear readers?

Yes Jose, ganun ‘yun partikular sa ‘Pinas kung saan isa sa mga pangunahing dahilan ng mabilis na paglawak at paglakas ng “kilusang mapagpalaya” (Katipunan ni Gat. Bonifacio) ay ang isyu ng mga malalawak na lupain ng mga korporasyon ng Simbahang Katoliko (friar lands).

At hanggang ngayon nga, ang panawagan para sa umano’y ‘genuine land reform’ ang isa sa mga pangunahing ‘slogan’ ng CPP-NPA upang makapagrekrut sa hanay ng mga magsasaka at mga manggagawa sa bukid sa kanilang armadong pagtatangka na maibagsak ang gobyerno ng ‘Pinas.

Dahil naman sa ‘zero backlog’ ngayon ng DAR, masasabing nawalan ng “kongkretong batayan” ang slogan na ito ng CPP-NPA, aguy,aguy,aguy!

At dahil dito, mistulang nawalan na rin ng kredibilidad ang mga banat sa goyerbno hinggil sa isyu ng kawalan ng ‘social justice’ sa ilalim ni PDU30.

Marahil pa, higit na mawawalan ng atraksyon sa mga magsasaka ang panawagan ng mga rebelde na “mag-armas” na lang para magkaroon sila ng sariling lupa dahil ayon pa rin kay Sec. John, aabot pa sa 2 milyong ektarya ang mga lupain na tinatarget maipamahagi ng DAR sa nalalabing termino ni PDU30, wow!

At mabuhay ka ulit, Sec. John dahil alam din ba ninyo mga kababayan? Isa si Sec. John sa mga ‘appointees’ ni PDU30 na ‘nag-volunteer’ para sa ‘lifestyle check?’

Ito ay bilang patunay, hindi lang kay Pang. Rody, bagkus sa ating lahat, na wala naman siya -- at kanyang mga opisyales sa DAR -- na “itinatago” o “dinugas” na pondo ng bayan kaya ‘very much willing’ sila na “busisiin” at “himayin” ng kahit anong ahensiya ng gobyerno kahit ang kanilang personal na pamumuhay.

Sa isang lingkod-bayan na “walang itinatago,” eh, makakaasa ang ating mga magsasaka na sadyang dumating na ang panahon upang “maramdaman” at “maranasan” nila ang ginhawa ng ‘social justice.’

Wala kasing ‘conflict of interest’ ang pagpapatupad ngayon ng repormang agraryo.

Gets ninyo?