Action series nauuso sa TV

June 02, 2019
Angel Locsin

MUKHANG nauuso ngayon ang mga action TV series na sinimulan ni Coco Martin sa “Juan de la Cruz” at sinundan ng kanyang long-running action-drama TV series na “FPJ’s Ang Probinsyano” na magpu-four years na sa ere sa darating na September.

Nariyan pa ang isa pang top-rating action-drama series na “The General’s Daughter” na pinagbibidahan naman ni Angel Locsin kasama sina JC de Vera at Paulo Avelino.

Over at GMA, nagkaroon na rin sila ng sarili nilang action-drama series tulad ng “Alyas Robin Hood 1 & 2,” at ang “Cain at Abel”.  Pinaghahandaan na rin ng Kapuso Network ang kanilang upcoming action-drama series na “Rosang Agimat” na pagbibidahan ng 20-year-old Kapuso young star na si Gabbi Garcia kasama sina Thea Tolentino, Jerick Gonzalez, Kristoffer Martin, Gil Cuerva, Eddie Garcia, Tonton Gutierrez, Victor Neri, Luz Valdez at Betong Sumaya mula sa direksiyon ng action director na si Toto Natividad.

Bago sumabak sa taping sina Gabbi at Thea ay sumailalim sila ng outdoor target shooting under world shooting champ na si Jethro Dionisio bukod pa sa iba’t ibang fight scenes training plus regular visit sa gym.

Super excited pareho sina Gabbi at Thea sa kanilang bagong series dahil hindi na ito katulad ng mga nauna nilang serye na pawang drama ang kanilang ipinamamalas.  Sa kanilang bagong action-drama series ay kasama rito ang iba’t ibang action  fight scenes, stunts at routines kailangan nilang mabigyan ng hustisya.

Samantala, kilala si Direk Toto Natividad sa pagiging veteran director sa mga action movies at naidirek niya halos lahat ng mga action stars in the past.  Sandali rin siyang naging co-director ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco Martin under ABS-CBN bago siya lumipat ng GMA para idirek ang “Cain at Abel” nina Dingdong Dantes at Dennis Padilla.