Ai Ai magbabakasyon ng isang taon dahil sa nakatakdang pagbubuntis

May 03, 2019

“NAKIUSAP sa akin si Robert Downey (Jr. ng Avengers: Endgame) kaya pinagbigyan kong maurong ang playdate ng 'Sons of Nanay Sabel',” bungad ng Comedy Queen na si Ai Ai de las Alas sa pocket presscon organized by Viva Films na ginanap sa Viva Studio in Sct. Madrinan nung nakaraang Huwebes ng umaga.

Dapat sana’y nung nakaraang May 1 (Wednesday) ang playdate ng “Sons of Nanay Sabel” kung saan niya co-stars ang kanyang mga alagang hip-hop group, ang Ex-Battalion mula sa direksiyon ni Dado Lumibao which she co-produced with Viva Films. Pero ito’y na-push to May 8 dahil extended sa mga sinehan nationwide ang megahit Hollywood movie na “Avengers: Endgame” na pinagbibidahan ni Robert Downey, Jr.

Ai-Ai’s only daughter Sophia is debuting as an actress sa “Sons of Nanay Sabel” bilang anak ng mag-asawa na ginagampanan nina Jeric Raval at Katya Santos.

Bumalik ng Pilipinas si Sophia galing Amerika para rito na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa De la Salle University (Taft) kung saan nagtapos ang kanyang stepfather na si Gerald Sibayan ng Sports Management. Naiwan naman sa Amerika ang second son ni Ai-Ai na si Nicolo na hinihintay na lamang ang pagiging isang American citizen.

Sina Sophia at Nicolo ay mga anak ni Ai-Ai sa kanyang ex-husband, ang singer-actor na si Miguel Vera na sa Amerika na naka-base with his new family.

Ang panganay na anak naman ni Ai-Ai, ang actor na si Sancho de las Alas (kasama sa FPJ's Ang Probinsyano) ay anak niya sa namayapang stage actor na si Rey Malte-Cruz.  

Ayon kay Ai-Ai, malamang na first and last movie na ng Ex-B ang “Sons of Nanay Sabel” dahil mas gusto ng kanyang mga alaga na mag-focus sa kanilang career bilang rap artists and composers.

“At least pinagbigyan nila ako rito sa 'Sons of Nanay Sabel',” ani Ai-Ai kung saan gumanap na mga anak niya ang anim na miyembro ng sikat na rap group na binubuo nina Daryl, Archie, Jon Santos, King Badger, James at Mark.  

Si Ai Ai ang tumatayong manager at nanay-nanayan ng grupo.

Inamin ni Ai-Ai na sobra umano siyang nagsisipag sa kanyang trabaho this year dahil isang taon umano siyang magli-leave next year para sa inaasahan niyang muling pagbubuntis sa magiging first baby nila ng kanyang young husband na si Gerald Sibayan sa tulong ng IVF (in vitro fertilization) procedure.

Samantala, kung showing sa darating na May 8 ang “Sons of Nanay Sa Sabel,” sa buwan ding ito nakatakdang ipalabas ang debut movie ni Super Tekla na “Kiko en Lala” under Backyard Productions ng GMA Pictures kung saan may special guest participation ang Comedy Queen na si Ai Ai.  Kasama rin sa nasabing movie sina Derrick Monasterio, Kim Domingo, Kiray Celis, Kris Tetay at iba pa.

Tinatapos din ngayon ni Ai-Ai ang kanyang first team-up with Bayani Agbayani sa pelikulang “Feelinial” (Feeling Millennial) na pinamamahalaan ng GMA resident director na si Rechie del Carmen and producer ng concert star-producer na si Pops Fernandez in her first attempt as movie producer.

May pelikula rin siyang sisimulan sa bakuran ng Regal Films sa taong ito.