Ai Ai na-touch sa gesture ni President Rodrigo Duterte

February 27, 2020

TOUCHED na touched si AiAi Delas Alas sa gesture na ipinakita sa kanya ni President Rodrigo Duterte sa awarding ceremony ng  Ani ng Dangal, ang award-giving body ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa mga Pilipino na naghatid ng karangalan sa Pilipinas.

Mismong si President Duterte ang tumawag kay AiAi para maupo ito sa kanyang tabi bago nagsimula ang pamamahagi ng mga parangal. Gusto sana ni AiAi na tumanggi dahil nahihiya siya pero naging mapilit ang Pangulo.

Para kay AiAi, isang malaking karangalan na kinilala ng NCCA sa pamamagitan ng Ani Ng Dangal ang kontribusyon niya bilang artista.

Sina AiAi, Ina Raymundo at Alden Richards ang tatlo sa mga popular showbiz personality na binigyan ng Ani Ng Dangal award dahil sa mga parangal na natanggap nila sa ibang bansa.

Nag-tie sina AiAi at Ina sa best actress category ng 39th Oporto International Film Festival sa Portugal noong March 2019.

Nanalo si AiAi para sa performance niya sa School Service samantalang nagwagi si Ina dahil sa acting nito sa Kuya Wes. Asian Star Prize naman ang tinanggap ni Alden sa Seoul International Drama Awards noong August 2019.

Ginanap ang awarding ceremony ng Ani Ng Dangal noong Miyerkules, February 26, sa Rizal Hall ng Malacañang Palace.