Aiko, natupad ang dream na maging titser sa advocacy film

December 03, 2018
Aiko Melendez

BUKOD sa pag-aartista at pag-arte, pangarap din pala noon ni Aiko Melendez na maging teacher at abogado. Kaya lang, maaga siyang tinawag ng showbusiness kaya hindi na niya ito na-pursue.

Kaya naman sa advocacy film na Tell Me Your Dreams ay feel na feel ni Aiko ang pagiging titser.

“At least, kahit sa pelikula naging teacher ako, ’di ba? natatawa niyang reaksyon.

Dugtong niya, “I played the role of Divina, teacher ako rito na dedicated sa trabaho, na even my own kids ay talagang minsan ay nag-suffer dahil sa sobrang pagiging dedicated ko bilang teacher.

“Nang time na nag-decide akong magbalik sa teaching sa mga Aeta, sa mga bundok-bundok iyon eh, mayroon akong isang estudyante na naaksidente. Do’n  na iikot ang story, hanggang sa natanggal ako bilang teacher, na-depress ako and then something will happen in the end.

“But ang moral of the story, at the end of the day ay bayani talaga ang mga teacher. Iyon ang makikita rito dahil ’yung love and dedications nila, kahit hindi nila kamag-anak o kaanu-ano.”

Itinataguyod ng Tell Me Your Dreams ang values formation ng mga bata, ang karapatan nila sa tamang edukasyon, pagbibigay importansiya sa mga katutubo at ang ’di mapantayang dedikasyon ng mga guro sa kanilang pagtuturo.

Ang makabuluhang pelikulang ito ay idinirehe ni Anthony Hernandez at ipinrodyus ng Golden Tiger Films.

Mapapanood ito exclusively sa Starmall at Vista Cinema sa December 5.

Nagkaroon na rin ito ng special screening sa Hoops Dome Arena sa Cebu na pinuntahan pa mismo ni Aiko. Umabot sa higit na 5,000 ang dumating kaya naman tuwang-tuwa si Aiko. Kasama niyang nagtungo sa event ang boyfriend niyang si incumbent Subic Mayor Jay Khonghun.

Ayon naman kay Direk Anthony, plano niyang isali ang pelikulang ito sa Orange Film Festival sa Turkey.

“Actually, nagbukas kasi ang Vista Mall at Starmall, nag-open sila sa amin para mabigyan ng opportunity ang  pelikula namin na mapanood exclusively sa kanilang mga sinehan. Hindi naman sa pagyayabang, ang movie ay naging trending noong nagkaroon kami ng special screenings,” kuwento ng direktor.

Eksklusibo ring mapapanood ang pelikula simula sa Dec. 5 sa mga sumusunod na malls: Starmall Edsa Shaw, San Jose Del Monte at sa Alabang, Vista Mall (Daang Hari), Evia (Alabang and Pampanga, Bataan, Taguig, Sta. Rosa, Laguna,  Las Piñas at Naga. Ang mga naturang mall ay pag-aari ni Sen. Manny Villar.