Alden bata pa natupad na ang mga pangarap

January 08, 2019
Alden Richards
Alden Richards

DESTINY nga marahil ang nagdala kay Alden Richards sa kanyang kinalalagyan ngayon.

As a young boy, gusto ni Alden who is Richard Reyes Faulkerson, Jr. in real life na maging isang piloto pero gusto naman ng kanyang nasirang ina na si Gng. Rosario Reyes-Faulkerson na siya’y maging isang artista.  Hindi man natupad ang pagiging piloto ng eroplano ni Alden, naging piloto naman siya ng sarili niyang buhay at career ngayon at natupad ang pangarap ng kanyang nasirang ina na siya’y maging actor. Hindi lamang isang ordinaryong actor dahil naabot na niya ang rurok ng tagumpay at an early age.

Nung nakaraang linggo, January 6, four days after his 27th birthday last January 2, muling nag-host si Alden ng kanyang post- birthday celebration and thanksgiving sa  entertainment media na ginanap  sa kanyang pag-aaring restaurant in Quezon City, ang Concha’s Garden Café.  Magmula nang sumikat si Alden ay ginagawa na niya ito taun-taon bilang pasasalamat sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya.

Naging maganda ang nakalipas na taon kay Alden kahit wala silang joint project ng kanyang ka-loveteam na si Maine Mendoza.  Umaasa ang tinaguriang Pambansang Bae na mananatili at magpapatuloy pa rin ang magandang takbo ng kanyang career at mga negosyong itinayo na madadagdan na naman sa pagbubukas ng sarili niyang franchise ng McDonald’s in Biñan, Laguna sa buwan ng Abril this year.  Ito bale ang post-birthday gift ni Alden sa kanyang sarili na matagal na rin niyang pinangarap na matupad.

Aminado ang 27-year-old singer-actor-entrepreneur at celebrity endorser na ang pagkakaroon niya ng sariling franchise ng McDonald’s na pareho nilang ini-endorso ni Maine ay isa mga pangarap niya hindi lamang para sa kanyang sarili kundi laluna sa kanyang pamilya.

“Ang mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya ang pinaka-priority ko sa ngayon,” pahayag ni Alden sa kanyang thanksgiving get-together with the entertainment media which he hosted last Sunday afternoon.

Nang tanungin ang actor tungkol sa kanyang lovelife, nangiti lamang ito at saka na raw niya ito iisipin.

Maraming magagandang plano si Alden sa taong ito at kasama na rito ang mga nakalatag na proyekto sa kanya ng kanyang home studio, ang GMA at GMA Artists Center na siyang nangangalaga sa kanyang career.  Tulad ng kanilang mga fans ni Maine, ang AlDub Nation, umaasa rin si Alden na magkakaroon sila ng proyekto ng kanyang ka-loveteam either sa pelikula o telebisyon sa taong ito.

May lumulutang na balita na gagawan umano ng local version ang hit Koreanovela na “Descendants of the Sun” at kinu-consider umano sila nina Maine to star in it.

“Sana po,” asam pa niya.

Ang isa pa sa gustong matupad ni Alden this year ay ang  makagawa uli siya ng isang dark movie (indie) tulad ng “The Road” na ginawa niya in 2010 nung bagong simula pa lamang siya sa showbiz which was shown in 2011.  Ang nasabing pelikula ay mula sa magkatulong na panulat at direksiyon ni Yam Laranas which he co-wrote with Loy Adlawan.  Tampok sa nasabing pelikula sina Carmina Villarroel, Marvin Agustin, Rhian Ramos, TJ Trinidad, Barbie Forteza, Louise de los Reyes, Derrick Monasterio, Jacklyn Jose at iba pa.

Samantala, Alden spent the Christmas holidays with his family in Japan.