Alden sa relasyong Maine-Arjo: Very private na bagay, ayaw kong saklawan

November 13, 2018
Alden Richards

Nagbigay na ng reaksyon si Alden Richards sa pagkaka-link ng kanyang ka-loveteam na si Maine Mendoza kay Arjo Atayde.

“Para naman po sa akin, hindi naman po natin maiiwasan ang pagbabago,” pahayag ng Pambansang Bae nang makausap namin sa taping ng Victor Magtanggol last Monday.

“So, sa ganu’n pong aspeto naman po, ako, kung saan masaya si Maine saka kung wala naman siyang ginagawang masama, susuportahan ko naman po siya,” he added.

Nag-uusap ba sila ni Maine tungkol sa personal na buhay nila?

“Honestly po, ’yung with what’s happening po ngayon with Maine and du’n sa nili-link sa kanya, hindi po namin napag-usapan. Parang ’pag nagkikita po kami, ’yung kung ano lang po kami, kaswal lang po,” sagot niya.

Dagdag pa ng aktor, feeling daw niya ay very private na ang ganitong bagay at hindi niya na sinasaklawan.

“Kung magkwento po sa akin si Maine, okay lang po. Kung hindi, okay din naman po,” he said.

Pero kumusta na ang friendship nila ni Maine ngayon? Nabawasan ba compared sa dati?

“Mas okay po kami. Parang kasi ngayon, parang walang ilangan, wala na po kami nu’ng parang pressured kami to be somebody else, parang ngayon, we’re friends and we’re co-workers po sa Eat Bulaga, co-hosts, andu’n na po kami.”

Ano naman ang maa-assure niya sa kanilang AlDub fans ni Maine na tuluy-tuloy pa rin ang kanilang tambalan?

“Up to this moment, ngayon po, ano po ba ngayon? Nov. 12. AlDub is still here. ’Yung loveteam po namin ni Maine, wala pong tumapos niyan or hindi naman po sinabing official na wala nang AlDub.

“There’s always a possibility, andu’n pa rin po ’yung possibility to have projects together, to have shows together. It’s just that ngayon po nga, andu’n po kami sa exploring individually, ’yung mga proyekto po namin as individuals.

“Pero ’yun lang po ’yung gusto kong i-assure sa  fans -- na hindi pa po tapos. Kasi ang dami pong naggi-give-up, ang dami pong nababasa na sabi, wala na raw, ’andito pa po kami, ’wag po kayong mag-alala,” saad pa ni Alden.

Nasa finale week na ang Victor Magtanggol na magtatapos sa Biyernes (Nov. 16).

Sa pagtatapos nito, nais magpasalamat ni Alden sa  loyal supporters niya and avid viewers ng serye, lalo na sa mga bata na nabigyan niya ng kasiyahan at inspirasyon.