Alden sanay nang gumawa ng record-breaking feats

September 04, 2019
Alden Richards

KAHIT walang bagong project ang AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza ay nananatiling magkaibigan pa rin ang dalawa lalupa’t regular pa rin silang nagkikita sa “Eat Bulaga” kung saan nabuo ang kanilang tambalan nung July 2015.

Ibinalita ni Alden na dalawang beses umanong pinanood ni Maine ang “Hello, Love, Goodbye” nila ni Kathryn Bernardo at sobra umano nitong nagustuhan ang pelikula.

Dapat siguro’y makagawa rin si Maine sa bakuran ng Star Cinema at ma-handle din siya ni Direk Cathy Garcia-Molina para magkaroon din siya ng  top-grossing film tulad ng HLG.

Bukas pa rin sina Alden at Maine na gumawa ng pelikula kung may magandang material.  May gagawing bagong movie si Alden sa bakuran ng GMA Pictures pero hindi pa siya nagbibigay ng iba pang detalye hinggil dito.

Sanay na rin si Alden gumawa ng record dahil gumawa sila ng kasaysayan ni Maine nang mapuno nila ang Philippine Arena nung October 24, 2015 sa kanilang “AlDub: Tamang Panahon” bilang bahagi ng “Eat Bulaga” presentation.  Ang nasabing event ay nagawaran ng Guinness of World Records dahil napuno nila ang 55,000-seating capacity ng Philippine Arena.  Ngayon naman ay muling gumawa ng record si Alden along with Kathryn Bernardo and Direk Cathy Garcia-Molina nang pumalo nang husto sa takilya ang “Hello, Love, Goodbye” na inaasahang magiging bagong record holder ng “highest Filipino movie of all time”.

Kung gaano kaingay ngayon ang career ni Alden, umaasa naman ang mga fans ni Maine na sana’y magawa rin ito ng kanilang idolo.

Samantala, matutunghayan na sa darating na September 16 ang bagong drama TV series ni Alden sa Kapuso Network, ang “The Gift” na pinamamahalaan ni L.A. Madridejos.