Allen, tumanggi sa pulitika

February 01, 2019
Allen Dizon

SINUSUYO ang international actor na si Allen Dizon sa pulitika. Pero dedma muna sa kanya ang mga nanunuyo dahil priority niya ang pamilya niya ngayon.

“Mga bata pa ang mga anak ko. Priority ko ang pamilya ko. Siguro ’pag medyo mature na, at wala na akong iniisip na gastusin sa mga bata, siyempre, ’yun na siguro ’yung puwede kang maging public servant.

“Ngayon naman, puwede ka namang tumulong kahit hindi ka politiko. Gumagawa rin ako ng pagtulong sa mga nangangailangan,” katwiran ni Allen, na bahagi ngayon ng Kapuso series na TODA One I Love.

Samantala, bahagi rin si Allen ng upcoming summer movie na Jesusa na pinagbibidahan ni Sylvia Sanchez.

First time niyang makakasama si Sylvia kaya naman special sa kanya ang unang offering ng Ouvre Events Management and Production (OEMP).

“Iba ’yung role ko as a bad husband. Laging nambababae. Marami naman akong role na nambababae. Pero dito, na-stroke ako. Nagkasakit ako. Mas challenging kasi mahirap umarte na na-stroke. Hindi makapagsalita,” saad ni Allen sa launching ng bagong kumpanya.

May love scene rin sila ni Ynez Veneracion, huh!

“Hindi na ako sanay sa ganoon, eh. Para akong baguhan. Hahaha! Pero siyempre, hindi na tayo bumabata. Ginagawa naman natin sa totoong buhay... para maging totoo na lang,” sey ni Allen.