Alona Alegre pumanaw na

December 09, 2018
Alona Alegre

ISA na namang malungkot na balita ang yumanig sa industriya ng pelikulang Pilipino sa pagyao ng veteran actress at dating sexy star na si Alona Alegre sa edad na 70 kahapon, Sunday sa ganap na ika-12:58 ng umaga.  Wala pang ibang detalye kung ano ang ikinamatay ng nakatatandang kapatid nina Ramon at Phillip Salvador.

Maria Lourdes Salvador sa tunay na buhay, si Alona ay isa sa mga  anak ng yumaong actor-director na si Lou Salvador, Sr. sa dating LVN actress na si Inday Jalandoni.  Bukod kina Ramon at Ipe (Phillip), yumao na rin ang iba pa nilang kapatid tulad nina Leroy Salvador, Ross Rival, Mina Aragon, Tess Salvador  at iba pa.

Si Alona ay nagsimula bilang child star when she was 7 years old sa pamamagitan ng pelikulang “Tagapagmana” under LVN Pictures kung saan siya ipinakilala.  Nakasama niya sa nasabing pelikula ang kanyang nakatatandang kapatid na si Leroy Salvador, Jr. Emma Alegre, Monang Carvajal, Carlos Salazar, Florentino Ballecer at iba pa.

Nagtuluy-tuloy naman ang kanyang paggawa ng pelikula when she was already in her teens tulad ng “Nagbabagang Paraiso,” “Mga Guerrero,” “Sa Bawat Pintig,” “Dugo ng Sugatan,” “DJ Dance Time,” “Salakay,” “Tiagong Ulupong,”  at marami pang iba nung circa 60’s.  She was last seen sa pelikulang “Batang Estero” in 1997 mula sa panulat at direksiyon ni Deo Fajardo, Jr. under FLT Films. Nakasama rito ni Alona sina Raymart Santiago, Julio Diaz, Dante Rivero, Beth Tamayo,  Dick Israel at iba pa. Magmula noon ay hindi na muli napanood si Alona sa alinmang pelikula o TV program.

Nakagawa si Alona ng halos isang daang pelikula nung siya’y aktibo pa bilang actress at kasama na rito ang “Campus Girls,” “Kamandag ng Dagat-Dagatan,” “Magkayakap sa Magdamag,” “Hayop Sa Sarap,” “Hawakan Mo at Pigilan ang Kahapon,” “Nang Masugatan ang Gabi” at marami pang iba.  

Isa rin si Alona sa nagtataglay ng may pinakamagandang mukha during her prime at napaka-in demand niyang leading lady nung kanyang kapanahunan including Fernando Poe, Jr. na nakatambal niya sa pelikulang “Esteban” at “Sto. Domingo” at si Ramon Revilla, Sr. sa “Nardong Putik” movie.